• 1
Thursday, November 23, 2017

Bagong High School sa Malolos bukas na

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan- Isa na naman bagong paaralang pangsekondarya ang muling binuksan ng pamahalaang panglunsod ng Malolos bilang tugon sa nais ng mga kabataang Malolenyong makatapos ng kanilang pag-aaral.

Ang bagong Malolos City High School-Santisima Trinidad ay isa sa tatlong bagong high school na binuksan ngayong buwan sa pangunguna ni Mayor Christian Natividad.

Nauna na rito ang Cong. Teodulo Natividad High School-Bangkal at Malolos City High School-Bungahan.

 

Ayon kay Mayor Natividad, isa sa kanyang prioridad ang matugunan ang edukasyon at ito’y magandang panimula para sa mga kabataang Malolenyo na walang ibang hinangad kung hindi ang makatapos ng pag-aaral.

“Lahat ng magagandang oportunidad at edukasyon ay maibibigay na sa mga kabataan ng Malolos. At sa pamamagitan ng mga bagong eskwelehan, ang ating mga kabataan ang siyang magiging kayamanan ng pamilya at ng pamahalaan” ani Natividad.

Ayon kay Natividad sa pamamagitan ng tatlong bagong high school mababawasan na ang bilang ng drop rate ng lungsod sa secondary level.

Ang lungsod ang may pinakamataas ng bilang ng drop rate sa sekondarya sa lalawigan at pangatlo naman sa buong rehiyon.

Laking pasasalamat naman ang ipinaabot Zenaida Mostoles, assistant schools division superintendent officer-in-charge ng Deparment of Education-Malolos City sa pamahalaang panglungsod sa pagsagot sa pasuweldo ng mga bagong guro sa tatlong nabanggit na high school.

Ang nasabing paaralan ay pamumunuan ni Dra. Leonora Lising bilang principal kasama ang walong guro na siyang magtuturo sa halos 250 mag-aaral. (WLB/VFC PIA 3)

Source: PIA Press Release Friday, August 12, 2011 ni Vinson Concepcion