• 1
Thursday, November 23, 2017

Turn-over at Ribbon Cutting Ceremony ng Calero Elementary School, Ginanap.

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan - Pinangunahan ni Mayor Christian D. Natividad ang turn over at ribbon cutting ceremony ng Calero Elementary School noong Setyembre 5, 2012. Ito ay dinaluhan nina Kapitan Virgilio T. Dela Cruz ng Barangay Calero, Gng. Dulce Camaya, District Supervisor ng Malolos South, G. Richard J. Santiago, Principal ng Calero Elementary School, mga guro, mga mag-aaral, Bantay Dagat at mga mamamayan ng Calero.

 

Sa mensahe ni Mayor Christian D. Natividad, kaniyang sinabi na taong 1998 nang una siyang makapunta sa Barangay Calero. Nakita niya ang kalagayan ng mga nakatira doon at ang mabagal na progreso ng barangay bagamat malapit ito sa sentro ng Malolos. Ang makapagtayo ng eskwelahan sa Calero ang isa sa kaniyang mga adhikain para mapaunlad ang barangay at sisikapin rin niya na makapagpagawa ng kalsada para sa mga taga-Calero. Idinagdag rin niya na kung may dapat puhunanan ang gobyerno, iyon ay ang mga kabataan dahil sila ang larawan ng kinabukasan ng Malolos.

Tuwang tuwa ang mga mamamayan ng Calero dahil natupad na ang matagal nilang pangarap na magkaron ng paaralan sa kanilang barangay. Ayon kay PTCA President Amy Perez, ngayon hindi na sila mangangamba tuwing kumukulog at kumikidlat dahil malapit na sa kanila ang paaralan. Hindi na rin kailangan maglakad ng napakalayo ng kanilang mga anak sa katirikan ng araw para lamang makapunta sa eskwelahan ng mga karatig barangay.

Ayon naman kay Principal Richard J. Santiago, isang napakalaking biyaya ang magkaroon ng eskwelahan sa barangay. Lubos ang kaniyang pasasalamat sa Pamahalaang Lungsod dahil patuloy nilang nagiging kaakibat ang pamahalaan sa pagsusulong ng edukasyon para sa kabataan.