
Bilang bahagi ng layunin na mahasa ang kakayahan ng iba’t ibang organisasyon sa paggawa ng kanilang sariling advocacy video, isinagawa ng Malolos City Information Office (MCIO) ang isang video production seminar-workshop para sa mga finalists ng Roving Galing Season 3: Tatak Maloleño Edition nitong Mayo 23, 2025 sa Conference Room ng Malolos CDRRMO Command Center.
Sa kaniyang pambungad na pananalita, binigyang pagpupugay ni Remando Faustino ang mga kalahok sa pagkakapasok bilang mga finalist ng patimpalak. Ibinahagi rin niya ang layunin ng programa at kung paano ito makatutulong sa pagpapalakas ng adbokasiya ng mga organisasyon sa lungsod.

Pinangunahan naman ni City Information Office Division Head, Regemrei Bernardo, ang seminar-workshop. Tinalakay niya ang proseso ng paggawa ng isang epektibong advocacy video, kabilang ang: Paggawa ng Sequence Guide; Pagpili ng storyteller; Filming; at Mga teknik sa editing
Aniya, “Ang advocacy video ay isang epektibong paraan ng pagbibigay-boses sa mga isyung mahalaga sa atin. Sa paggawa ng ganitong mga proyekto, iisa ang ating layunin, ang makagawa ng positibong epekto at pagbabago sa ating komunidad.”
Nagbahagi rin siya ng mga praktikal na gabay para sa mas propesyonal na video output, tulad ng tamang paghawak ng kamera, framing of shots (long shot, medium close-up, close-up), mga uri ng shot movement (zoom in/out, pan left/right, track left/right/forwards/backwards), pati na rin ang tamang paggamit ng ilaw at kulay.
Layunin ng workshop na bigyan ng sapat na kaalaman at kasanayan ang mga kalahok upang mas epektibong maiparating ang kanilang mensahe sa pamamagitan ng makabuluhang video content.
Dumalo sa isanagawang seminar-workshop ang Barkada Kontra Droga; Kapanalig Malolos; Tanghalang Abelardo Dance Artists; KOLAB Social Sciences Education Collective; YES-O Bungahan; Malolos A City that Reads Libraries; Pangkat Lingap; BERT Bulihan; SB Dakila; SK Dakila; SB San Pablo; SB Guinhawa; MHPNHS AGAD; SSLG MHPNHS; The ART Corner PH; Tabang Kabataan; Wiki Malolos; SK Look 1st; SB Panasahan; at SK Calero.