Sa pamamagitan ng City Agriculture Office sa pamumuno ni Dr. Romeo S. Bartolo Ph.D., L. Agr., katuwang ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), matagumpay na naibahagi ngayong ika-14 ng Enero, 2025 ang bayad pinsala sa 103 Malolenyong magsasaka sa Lungsod ng Malolos.
Ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ay ahensya na nagpapatupad ng agricultural insurance program ng pamahalaan. Ito ay kasalukuyang nasa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Agriculture bilang isang attached agency.
Ang PCIC ay isang government-owned and controlled corporation (GOCC) na itinatag sa bisa ng Presidential Decree 1467 noong Hunyo 11, 1978, na kalaunan ay inamyendahan ng PD 1733 noong Oktubre 21, 1980, at muling binago sa ilalim ng Republic Act 8175 noong Disyembre 29, 1995, upang maging pangunahing ahensya sa pagpapatupad ng insurance program para sa sektor ng agrikultura.
Sa panayam kay Rebecca S. Hernandez, Supervising Agriculturist, ang pangunahing mandato ng PCIC ay magbigay ng insurance protection sa mga magsasaka laban sa mga pagkalugi na dulot ng mga sakuna sa kanilang pananim.
“Dahil sa mga nagdaang bagyo, labis na naapektuhan ang mga magsasaka at naging matindi ang epekto ng mga pagkalugi sa kanilang kabuhayan” ani Hernandez.
Ayon din sa kaniya, ang pagsali sa programa ay dumadaan sa tatlong hakbang: una, ang aplikasyon na isinasagawa 20 araw matapos ang pagtatanim; pangalawa, ang pag-abiso na dapat gawin 10 araw matapos ang anumang kalamidad na nakaapekto sa mga magsasaka.
Ayon naman kay Alex G. Hernandez, Assistant Insurance Underwriter Marketing and Sales Division, Region III, ang halaga ng natanggap nila ay nakabase sa pinsala na nangyari sa kanilang pananim, gaano kalaki ang saka at stage ng palay noong napinsala na nagkakahalaga ng P3,000 hanggang P28,000.
Sa pagtatapos ng programa, nagbigay ng mensahe si Dr. Romeo S. Bartolo, Ph.D., L. Agr., kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagpapayabong sa sakahan bilang pangunahing pangangailangan ng bawat isa.
Dumalo at nakiisa sa pamamahagi si Konsehal Edgardo F. Domingo.