Kinilala ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos ang 1,395 na kabataang Maloleño na lumahok sa taunang Malolos City Sports Clinic na ginanap noong ika-31 ng Mayo sa Malolos Sports and Convention Center.

Ang programa ay sa pagtutulungan ng City of Malolos Sports and Development office, na pinangangasiwaan ni Sports Development Officer III, Jose Anthony ‘Toti’ Villanueva, katuwang ang Department of Education- Malolos.

Sa naging panayam kay Mr. Villanueva, hinggil sa dahilan ng pagsulong ng ganitong programa, iginiit niya na layunin nitong gawing makabuluhan ang bakasyon ng mga bata at hikayatin silang maging aktibo, sa halip na manatili lamang sa loob ng kanilang mga tahanan.

“Iyong mga ganitong programa ay para maging makabuluhan ‘yong kanilang summer school break. Ang maganda no’n ay natututo sila ng mga techniques sa sports na napili at kahit papaano e nababawasan ang focus ng Bata pagdating sa gadget,” saad ni Mr. Villanueva.

Inihayag din ni Mr. Villanueva na batay sa kanyang kaalaman, ang Lungsod ng Malolos lamang ang may ganitong malawak na programang nakatuon para sa mga kabataan sa buong probinsiya ng Bulacan sa kasalukuyan.

Dagdag pa niya, nais ng programa na ituro sa mga kabataang Maloleño ang kahalagahan ng disiplina bilang bahagi ng kanilang personal na pag-unlad.

“Ang maganda rito, ang sports ay nagiging sandata sa kanilang paglaki. Sa sports, dito mo malalaman kung sino ang tunay na manlalaro na lalaban ng patas sa pagharap sa tunay na buhay,” ani Villanueva.

Nagbigay din ng pagbati si Konsehal, Coach Geli Bulaong para sa mga kabataan at magulang ng mga magsisipagtapos.

“I would like to congratulate not only the students, but also the parents, sa mga estudyante, sa pagtatapos niyo po sa Sports Clinic, at congratulations din po sa mga parents, bakit? Kasi alam ko po, na iba ang epekto ng sports sa mga kabataan,” Pagbati ni Kons. Geli.

Sa kabilang banda, ipinamalas ng dancesports mula sa CMIS-Sto. Rosario at Vista Mall ang kanilang husay sa pamamagitan ng pagtatanghal, gayundin ng gymnastics mula sa Atlag at Mabolo, pati na rin ng mga kalahok sa arnis, taekwondo, at iba pang larangan.

At bilang pagtatapos ng programa, pinarangalan ang mga head coaches, assistant coaches, at mga estudyanteng boluntaryo. Iginawad din ang mga sertipiko sa mga kabataang nanalo at lumahok sa Sports Clinic.

Samantala, nagpahayag din ng taos-pusong pasasalamat ang mga magulang ng mga batang nagtapos sa Sports Clinic sa pagkakaroon ng mga programang tulad nito.

Isa sa mga proud na ina ay si Cherry De Guzman, kung saan inalala ang karanasan at lakas ng loob ng kaniyang limang taong gulang na anak na si Jazmyne Chloe De Guzman, sa pagsalin nito sa programa.

Sa panayam kay De Guzman, ibinahagi niya na ang dahilan kung bakit Gymnastics ang napiling isport ng kaniyang anak ay dahil sa paghanga nito kay Carlos Yulo, na kilala bilang 2024 Olympic gold medalist, na matagal na niyang pinapanood online.

“I am very happy atsaka mayroon siyang initiative. Siya na nagsasabi na mama gymnastics iyung kukuhanin kong sports event ngayong taon,” salaysay ni De Guzman.