
Nahuli sa magkahiwalay na buy bust operation ang dalawang barangay tanod mula sa Barangay Guinhawa at Barangay San Gabriel. Ang operasyon ay sa pagtutulungan ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos at Malolos CPS. Ayon kay PLTCOL Ferdinand D Germino, ACOP, ito ay mula sa impormasyon at intelehensyang nakalap mula sa mga barangay,naisagawa ang naturang buy bust operation na nagbunga ng pagkakahuli sa 2 salarin.
Bunsod nito, agaran naman ang naging aksyon ni Punong Lungsod Abgdo Christian D Natividad. Pinagutos ni Mayor Agila ang mandatory Drug Testing sa lahat ng opisyal ng mga barangay upang makasiguro na ang lahat ng kawani mula sa brgy tanod, mga konsehal hanggang sa kapitan ay walang anumang bahid ng droga. Ayon din sa kanya, mahalagang magsilbing ehemplo ang mga opisyal ng barangay lalong lalo na ang mga halal, na mauna nang sumailalim sa mandatory drug testing .
Samantala, daglian ding pinagutos ni City Administrator Joel Eugenio ang drug testing sa hanay naman ng mga kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos.
Isa sa mga unang tumalima sa kautusan ni Mayor Agila sina Kap. Ferdie A. Dimagiba ng Brgy Catmon at Kap. Marvin S.Casim ng Brgy Bangkal.