Malugod na tinanggap ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos sina City of San Jose Del Monte (CSJDM) Schools Division Superintendent Merlina P. Cruz, PhD, CESO V, kasama ang mga kinatawan ng kanilang lungsod para sa isang Benchmarking Activity kaugnay ng National Literacy Awards.

Isinagawa ngayong araw, ika-10 ng Enero ang isang Benchmarking activity na kung saan ay ibinahagi ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos, sa pamamagitan ng DepED- ALS Malolos at Malolos City Information Office ang mga naging hakbang nito sa nakaraang National Literacy Awards.

Kung matatandaan, nakamit ng Lungsod ang ika-5 puwesto sa buong Pilipinas, bilang Most Outstanding Local Government Unit- Independent Component/Component City Category sa nakaraang National Literacy Awards 2022.

Naging pangunahing paksa sa nasabing gawain ang mga best practices ng lungsod, badyet at mga mahahalagang dokumento na kinakailangang ihanda para sa patimpalak.

Binigyang diin naman ni City Information Officer Regemrei P. Bernardo ang kahalagahan ng kolaborasyon, palagiang komyunikasyon at pag-momonitor sa bawat isa, upang matiyak na naisasagawa ang mga nakatalagang gawain ng bawat departamento ng naayon sa itinakdang oras nito.

Nagtapos ang programa sa isang open forum na kung saan ay pinagusapan ang mga kinaharap na mga problema ng lungsod, at ilang paglilinaw sa naging balidasyon sa mga programa nito.

Tiniyak naman ni EPS-AP/Division ALS Focal Person Salvador B. Lozano na magpapatuloy ang pagtulong ng Team Malolos sa panauhing lungsod. Ani Lozano, ‘’Sama-sama at tuloy-tuloy para sa isang adbokasiya.’’

Ang gawain ay dinaluhan ng mga kinatawan mula sa Pamahalaang Lungsod ng Malolos, DepEd-ALS Malolos at City of San Jose Del Monte DepEd at LGU personnel.