Isinagawa ngayong araw ang pagpupuntos sa mga barangay sa Lungsod ng Malolos na nakilahok sa info wall contest ng City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO).
Ito ay bahagi ng Information, Education, and Communication campaign ng Malolos CDRRMO upang magbigay ng kamalayan ukol sa mga risks at hazards na kinakaharap ng lungsod. Unang isinagawa ang paligsahan sa mga paaralan sa Malolos City.
Ngayong taon, binuksan naman ang patimpalak sa lahat ng Sangguniang Kabataan mula sa iba’t ibang barangay na sakop ng Lungsod ng Malolos bilang pakikiisa sa disaster risk governance. Layunin din nito na magkaroon ang bawat isa ng kontribusyon para sa kapakanan ng kanilang komunidad.
Gamit ang mga materyales na ipinagkaloob ng Pamahalaang Lungsod, ang mga kalahok ay dapat makalikha ng Infowall na mayroong minimum na sukat na 5×7 feet.
Ito rin ay dapat maglaman ng mga impormasyon na may kaugnayan sa Typhoon/Flood Information and Preparedness Measures (from PAGASA), Earthquake Preparedness Measures (from PHIVOLCS), Fire Safety and Prevention (from BFP), COVID-19 Information (from DOH), at Community Hotline Numbers (from Malolos CDRRMO).
Nagsilbing mga hurado sina Katrina Pia D. Pedro, Local Disaster Risk Reduction and Management Officer; Regemrei P. Bernardo, City Information officer at; Michelle Hernandez-Pata, DRRMO Representative sa pagpupuntos ng 12 sa 51 na barangay sa Malolos na nakiisa sa programa.
Kabilang sa mga lumahok sa patimpalak ang Brgy. Caingin, Brgy. Canalate, Brgy. Sto. Niño, Brgy. Masile, Brgy. Sto. Cristo, Brgy. Atlag, Brgy. Matimbo, Brgy. Niugan, Brgy. Sto. Rosario, Brgy. Mabolo, Brgy. Guinhawa, at Brgy. Sumapang Bata.
Ang mga magwawagi ay magkakamit ng Php 50,000.00 para sa unang pwesto, Php 30,000.00 sa ikalawang pwesto, at Php 20,000.00 sa ikatlong pwesto.
Inaasahan ang paggawad ng parangal sa mga nanalo sa ika-1 ng Hulyo kasabay sa flag raising ceremony sa Malolos City Hall kasabay ng paggunita sa National Disaster Resilience Month.