
Tinalakay sa pagpupulong na ito ang paglikha ng isang komprehensibong patakaran sa pagpapatupad ng City Ordinance 49-2023, o ang Malolos Adolescent Pregnancy and Prevention Ordinance, upang tugunan ang isyu ng teenage pregnancy sa lungsod.
Inilahad ni Population Program Officer I, Alexis Cruz ang mga datos at bilang noong nakaraang taong 2021 at 2022 ng teenage pregnancy sa buong Bulacan, partikular na sa lungsod ng Malolos. Binigyang-diin niya ang pangangailangan ng pagpapalawig sa mga kasalukuyang proyekto ng CMAPPC gayundin ang pagkakaroon ng sistematikong pagkuha ng mga datos sa mga RHU, Pribadong Ospital at mga Barangay.
Samantala, isinalaysay naman ni Population Division Head Joemari Caluag, ang mga programa ng kanilang dibisyon patungkol sa teenage pregnancy. Ilan sa mga ito ay ang awareness seminars kung saan bumababa sila sa mga paaralan upang bigyang kaalaman ang mga kabataan ukol sa teenage pregnancy at kung paano ito maiiwasan. Dagdag pa dito ay ang film-making contest na nilahukan ng mga kabataan naglalayong imulat ang kapwa nila tungkol sa reyalidad ng teenage pregnancy at pagiwas dito.
Sa pagsusuri ng kasalukuyang datos ng teenage pregnancy sa lungsod at ang mga pangunahing sanhi ng pagtaas nito, masusing binalangkas ng CMAPPC ang pagbuo implementation of rules and regulations sa pagpapatupad ng City Ordinance 49-2023 kung saan tinitiyak na bawat parte nito ay makakatulong sa pagsugpo sa teenage pregnancy.
Isa din sa pinagusapan ang pakikipagtulungan sa bawat ahensya, lalo na sa Sangguniang Kabataan at mga youth organizations kung saan imamandato na bigyang prayoridad ang mga programa patungkol sa teenage pregnancy at magkaroon ng iisang layunin at sistematikong pagpapatupad nito.
Dumalo at nakibahagi sa mga diskusyon ang iba’t ibang sektor ng lipunan at ilang mga departamento ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa pangunguna ni Executive Assistant IV Omar Magno. Kabilang sa mga nakiisa sa gawain sina konsehal Atty. Niño Carlo Bautista at ABC Jun Cruz.