Ipinagdiwang ang pagtatapos ng 46th National Disability Rights Week (NDRW) sa isang programang “Mr. and Ms PWD 2024” ngayong ika- 23 ng Hulyo 2024 sa Waltermart Malolos.

Naging sentro ng programa ang mga Person-with-Disability (PWD) kung saan nagkaroon ng mga kinatawan mula Special Education (SPED) schools sa lungsod kabilang ang Marcelo H. Del Pilar National High School, Santo Rosario, Sta. Isabel gayundin ang mga kinatawan mula sa apat na clusters ng lungsod.

Ayon kay Jerome Caliwara mula sa CSWDO, layunin ng programang ito na magbigay ng daan sa mga PWD na ipakita ang kanilang talento at adbokasiya, at ipadama rin sa kanila ang inklusyon nila sa pamayanan.

Ang mga kalahok sa programa ay nagpamalas ng kanilang galing sa casual wear, talent, formal wear at sa kanilang adbokasiya.

Itinanghal na Mr. PWD 2024 si Jhon Raven B. Pagtalunan at si Francine Yesha Sabañgan bilang Ms. PWD 2024 kung saan sila ay parehas mula sa CMIS Sto. Rosario SPED Centre.

Ang programang ito ay naging matagumpay sa inisyatibo at paghahanda ng City Social Welfare and Development Office sa pangunguna ng Community Affairs Division na siyang naging punong abala sa programa.

Mas naging makabuluhan ang programa dahil sa buong suporta ng PWD Affairs Office Malolos, Sektor ng mga may Kapansanan sa Lungsod ng Malolos (SKLM), mga guro mula sa SPED Centers, at pamilya ng mga kalahok na siyang nagpamalas ng kanilang mainit na suporta sa mga kalahok.

Nagpakita din ng kanilang suporta sa pagdalo ang mga miyembro na Pamahalaang Lungsod ng malolos na sila Konsehal Noel Sacay, JV Vitug, Ayee Ople, at kinatawan ni Kiko Castro. Gayundin aynagpadala ng kinatawan sina Governor Daniel Fernando, Vice Governor Alex Castro, at personal naman na dumalo si Bokal Allan Andan.