Patuloy na isinusulong ni Senator Cayetano ang kanyang adbokasiya na Pinay in Action (PIA) upang mas mapahusay ang lokal na kapasidad sa pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan, partikular sa mga kababaihan mula sa ligtas na panganganak hanggang sa pangangalaga sa kanilang mga anak.
Sa pamamagitan ng tanggapan ng Senador katuwang ang Pamahalaang Lungsod Malolos, sa pamumuno ni Abgdo. Christian D. Natividad katuwang ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO), sa pangunguna ni Lolita SP. Santos, RSW, naidaos ang seminar patungkol sa Pangangalaga sa Kalusugan ng ina at bata.
Mahigit 300 na kababaihan ang dumalo sa gawain kabilang ang mga miyembro ng Barangay Women’s Desk Officer, Barangay Population Workers, Lingkod Lingap sa Nayon (LLN), Katipunan ng Samahan ng Kababaihan, Konseho ng Panlungsod na Kababaihan ng Malolos at mga Daycare volunteer.
Layunin ng seminar na mapataas ang kaalaman ng kababaihan tungkol sa pagbubuntis at mapangalagaan ang kanilang kapakanan at kalusugan, na bahagi ng adbokasiya ni Cayetano.
Nagsilbing tagapagsalita si Dr. Vivian R. Eustaquio M.D. MPH, mula sa opisina ng senador at tinalakay ang mga risk factor para sa mga buntis at mga palatandaan ng panganib sa pagbubuntis, teenage pregnancy, tamang timing ng pagbabakuna at pag-inom ng bitamina, pangangalaga sa kalusugan sa panahon ng labor at delivery, tamang pangangalaga sa bagong panganak at sanggol, breastfeeding, at prenatal care upang matulungan ang mga kababaihan na makagawa ng mga desisyon tungkol sa kanilang kalusugan, gayundin ang mga serbisyong pangkalusugan para sa mga solo parents at senior citizens.
Binigyang-diin ni Eustaquio ang tamang pamamaraan ng pangangalaga at kung ano ang dapat gawin sa panahon ng pagbubuntis upang maiwasan ang pagkamatay ng ina at bata.
“Kung walang namamatay na bata at ina mula sa pagbubuntis at panganganak, ibig sabihin maganda at maunlad ang isang bansa,” aniya.
Dagdag pa niya, mataas ang maternal mortality sa Pilipinas, gayundin ang infant mortality kung kaya pinipigilan nila itong tumaas, at dapat itong bumaba upang masabi na sa isang komunidad, lungsod, at bansa, mababa ang maternal death rate.
Ibinahagi din niya na ang mga panganib na ito ay maaaring matugunan sa pamamagitan ng tamang pagbibigay ng family planning services upang mabawasan ang maternal at infant deaths.
Dumalo at nagpakita ng suporta sa gawain sina Joel S. Eugenio, City Administrator at Allan Andan, Board Member of the Province of Bulacan.