Sa ulat na ibinahagi ng Malolos City Police sa idinaos na City Peace and Order Council Meeting nitong ika-28 ng Setyembre, bumaba ang naitalang krimen sa Lungsod ng Malolos mula Enero hanggang Setyembre ng taong kasalukuyan kumpara sa kahalintulad na buwan noong nakalipas na taon.

Ayon sa 8 Focus Crimes na ibinahagi ng Malolos CPS, mula 57 na total crime rate noong January 1, 2021- September 27, 2021 ay napababa ito sa 49 total crime rates para sa taong ito.

Sa pagpapaliwanag ni Malolos City P/Capt. Ernesto H. Clemente II, bagamat bumaba ang pangkalahatang insidente ng krimen, ay may pagtaas naman sa mga kasong may kinalaman sa physical injury.

Paliwanag ni Clemente, ito ay hindi maiiwasan sapagkat ang Malolos ay daanan ng mga kalapit-bayan at kalapit-probinsya kung saan ang mga aksidente sa daan ay hindi kontrolado.

Kasunod nito, iniulat din ang mga significant accomplishments ng ating kapulisan, kagaya ng pagkakahuli ng ilang Most Wanted Criminals at pagkakaresolba ng pagpatay kay Princess Diane Dayor kung saan ay kaagyat na nadakip ang salarin.

Ipinahayag din ni Acting Chief of Police PLTCOL Ferdinand D. Germino ang kanilang layunin na maging drug clear ang Lungsod ng Malolos sa 2025 at drug free sa 2027.

Dagdag pa ni Germino, sa kasalukuyan ay mayroon ng 8 drug clear barangay alinsunod sa ipinagutos ni Mayor Christian D. Natividad na sumailalim sa drug testing ang mga barangay official sa buong Malolos.

Inilatag din sa pagpupulong ang iba pang mga plano ang Malolos City Police na makakatulong upang mas mapaigting ang Peace and Order and Public Safety sa lungsod.

Ginanap sa Auditorium ng bagong City Hall ang nasabing pulong na dinaluhan nina Mayor Christian D. Natividad, Vice Mayor Miguel Alberto T. Bautista, Kon.Emmanuel Sacay, Kon.Nino Bautista, ABC President Dionisio Mendoza, City Administrator Joel Eugenio, ilang mga kawani ng munisipyo at mga barangay captain.