
Bilang pagdiriwang ng Buwan ng Pamanang Kaluto, isinagawa ang seminar na pinamagatang Huntahang Pamana: Kaluto, Sining, Kultura, at Turismo noong ika-28 ng Mayo 2025 sa E-Library ng Bulacan State University.
Layunin ng seminar na ito na ipagmalaki, pangalagaan, at ipamana ang mayamang kalinangan at tradisyon ng kaluto sa susunod na henerasyon ng mga Maloleño.
Binuksan ang programa sa isang mainit na pagtanggap ni Assistant City Administrator Gertrudes N. De Castro, na siyang nagpahayag ng pasasalamat sa lahat ng dumalo. Sinundan ito ng maikling mensahe mula kay Romel Santiago, Deputy OIC ng City Arts, Culture, and Tourism Office, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng pagpapanatili at pagsasalin ng ating kultura sa kabataan.
Pinangunahan ni Mr. Roly Marcelino ang unang yugto ng huntahan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kasaysayan at pamanang pagkain ng Malolos. Kasunod niya si Chef Neneth Madrona, na nagtalakay tungkol sa mga tradisyunal na lutong kabundukan. Si Professor Jaime Corpuz naman ay nagsalita hinggil sa kahalagahan ng sining at pagkain, partikular sa Singkaban, Puni, at Pabalat bilang bahagi ng pamana sa mga susunod na salinlahi. Nagtapos ang unang bahagi sa masinsinang diskusyon ni G. Edgar Allan Sembrano ukol sa ugnayan ng pagkain at midya bilang kasangkapan sa pagpapalaganap ng kulturang kaluto.
Matapos ang unang yugto, binuksan ang food exhibit na inihandog ng Bistro Maloleño. Tampok dito ang iba’t ibang putaheng naglalarawan ng kasaysayan at kultura ng Malolos, na siyang naging sentro ng panlasa at gunita para sa mga bisita.
Sa pagpapatuloy ng talakayan, unang nagsalita si G. Richard Ramos na nagbahagi ng kasaysayan ng kanyang negosyo na Eurobake at kung paano ito naging bahagi ng panitikang panlasa ng Malolos. Sumunod si G. Ferdie Talbenito, na tinalakay ang mga pamana ng Bistro Maloleño at ang karanasang panturismo ng Malolos.
Pinasigla pa lalo ang programa sa pamamagitan ng mga natatanging mensahe mula kina Pangalawang Punong Lungsod Miguel Alberto T. Bautista, Department of Tourism Region III Regional Director Richard Deanos, OIC-PHACTO May Arlene Torres, at Gastronome at Philippine culinary heritage advocate Jose Antonio Miguel Melchor.
Bilang pagtatapos ng seminar, isinagawa ang isang huntahan o open forum na nagbigay daan para sa malayang talakayan sa pagitan ng mga tagapagsalita at mga kalahok. Dito ay tinalakay ang kasalukuyang estado ng turismo sa Malolos at ang mga posibleng hakbang tungo sa mas maliwanag na kinabukasan nito.
Bilang pagtatapos ng programa, nagbigay ng pangwakas na pananalita si Kon. Victorino “Troi” Aldaba III.