Isang masayang selebrasyon kasama ang kaniyang mga mahal sa buhay ang naganap noong ika – 18 ng Marso sa Brgy. Sto. Cristo, Lungsod ng Malolos, kung saan ipinagdiwang ni Lola Purificacion S. Pulumbarit ang kaniyang ika-100 kaarawan. Si Lola Puring ay pang-apat sa sampung magkakapatid at isa sa mga pinakabagong centenarian ng lungsod.

Bilang pagkilala sa kaniyang mahalagang milestone, personal na iginawad ni Chief of Staff Fernando E. Durupa ang sertipiko ng pagkilala at isang tsekeng nagkakahalaga ng 100,000 piso. Ang insentibong ito ay alinsunod sa Kautusang Panlungsod Blg. 92-2020, na nagtatadhana ng karagdagang financial assistance para sa lahat ng centenarian na magdiriwang ng kanilang ika-100 kaarawan sa Lungsod ng Malolos.

Sa pamamagitan ng programang ito, patuloy na kinikilala at pinahahalagahan ng lokal na pamahalaan ang mahahalagang ambag ng ating mga nakatatanda sa lipunan.