
Lungsod ng Malolos, Mayo 27, 2025 — Tumutok ang mga kalahok ng Tour Guide Workshop sa isang makabuluhang lecture tungkol sa lokal na kasaysayan sa ikalawang araw ng kanilang pagsasanay ngayong Martes. Ang aktibidad, na ginaganap mula Mayo 26 hanggang Hunyo 1, 2025, ay layuning sanayin ang mga lokal na tagapagkuwento ng kasaysayan upang maging epektibo at makabuluhang tour guides sa kanilang komunidad.
Sa pangunguna ni Professor Jaime Salvador, kilalang lokal na historyador at cultural advocate, tinutukan sa sesyon ngayon ang mga mahahalagang pangyayari at personalidad na nag-ambag sa kasaysayan ng Malolos—lalo na ang pagiging duyan nito ng Unang Republika ng Pilipinas. Kabilang sa mga binigyang-pansin ang Barasoain Church at maging ang Basilica Minore Ng Malolos. Bukod sa talakayan, isinagawa rin, bilang tour guiding exercises, ang pag lalarawan sa mga lugar, pagkain at mga bayani ng ating lalawigan, kung saan hinasa ang kakayahan ng mga kalahok na ikuwento ang kasaysayan nang may damdamin at lalim.
sa Ikatlong Araw, tatalakayin naman ang Filipino Brand of Service Excellence (FBSE), kung saan pagtutuunan ang pagiging maasikaso, magalang, at may malasakit—mga katangiang tatak ng galing Pilipino sa pagbibigay serbisyo.
Sa Ikaapat at Ikalimang Araw, ituturo ang Guiding Techniques, kabilang ang tamang pamamahala sa tour group, wastong pagsasalita sa publiko, at pagharap sa mga hindi inaasahang sitwasyon habang nasa tour.
Sa Ikaanim na Araw, isasagawa ang Teaching Tour, kung saan aktuwal na magtuturo ang mga kalahok habang minomonitor ng kanilang mga tagapagsanay.
At sa Ikapitong Araw, gaganapin ang Mock Tour at Graduation Ceremony—isang pagkakataon para patunayan ng mga kalahok ang kanilang natutunan at maipakita ang kanilang galing bilang bagong tagapagtaguyod ng turismo sa sariling bayan.
Sa pagsasanib ng kasaysayan, husay sa serbisyo, at praktikal na kaalaman, patuloy ang paghubog ng Tour Guide Workshop sa bagong henerasyon ng mga lokal na gabay—handa nang ipamalas at ipagmalaki ang yaman ng Malolos sa buong mundo.