Ginanap ang huling araw ng City of Malolos Disaster Risk Reduction Management Office Incident Command System (ICS) – Executive Course noong ika-30 ng Mayo 2025, Biyernes, sa Barasoain Center for Innovative Education (BarCIE) International Center.

Sa araw na ito, 42 katao na binubuo ng 22 barangay ang mga matagumpay na nagsipagtapos bilang Batch 2 ng ICS.

Sa unang bahagi, nagkaroon ng munting aktibidad kung saan ibinahagi ng mga dumalo ang kanilang mga inaasahan para sa training sa araw na ito, at ang pangkalahatang-ideya ng ICS ay ipinaliwanag ni G. Angelo Simbol mula sa UP Tarlac Campus.

Sumunod dito ang pagtatalakay sa Module 1, ang introduksyon sa Incident Command System, na ipinaliwanag ni G. Edmundo Antenor mula sa Bulacan DRRMO.

Sa ikalawang bahagi naman ay ang pagtalakay ng mga natitirang module kabilang ang ICS Organization, ICS Facilities, Managing Planned Events and Major Incidents, at ang Common Responsibilities.

Ang bawat module ay may kasamang exercise para sa mga dumalo.

Kasama rin sa mga speaker noong araw sina Rita Libiran mula sa PDRRMO Bulacan, PLTCOL Alfred Canlas mula sa Pampanga PPO, at SFO1 Fritz Perez mula sa BFP Bacolor.

Sa pagtatapos ng programa, ginanap ang ceremony ng graduation para sa mga kalahok.

Kabilang sa mga dumalo ay mga opisyal at kawani ng mga barangay, kabilang ang mga kapitan, na binigyan ng Course Materials na kanilang ginamit sa pagsasanay.

Sila rin ang mga nakilahok sa mga pagsasanay para sa kahandaan ng mga Maloleño laban sa mga posibleng kalamidad at sakuna.

Layunin ng ICS – Executive Course na maipaliwanag ang mga mahahalagang konsepto at prinsipyo ng ICS, na nagbibigay-diin sa mga Local Government Units at nagsisilbing leadership training.

Ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na nagsagawa ng ICS Training para sa mga barangay.