
Sa isang makabuluhang pagtitipon sa Baguio City, limampung delegado mula sa iba’t ibang youth organizations sa Malolos ang nagsama-sama upang talakayin ang kanilang mahalagang papel sa pagtataguyod ng isang mas masigla, inklusibo, at sustainable na hinaharap para sa lungsod.

Ang congress na may temang “Youth as Agents of Change for a Sustainable Future” ay pinangunahan ng iba’t ibang organisasyon tulad ng JCI Malolos, Elevate Malolos, LGBTQIA+ Malolos, ISLAO, PCCAMHS, Ginoo at Binibining Malolos, SAMA KA PO INC., KAYAKAP, BulSU Bahaghari, SSLG MHPNHS, PCY Malolos Cathedral, SK Treasurers ng Malolos, PYAP Malolos, at mga SK Councilors at SK Chairpersons. Kasama rin ang Department of Education sa pagsuporta sa adhikaing ito.

Isa sa mga tampok na bahagi ng pagtitipon ay ang talakayan na pinangunahan ni John Joshua P. Cudia, National Chairperson ng United Nations Sustainable Development Goals (UNSDG).
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin niya ang sinabi ni Gro Harlem Brundtland na, “Sustainable development is development that meets the needs of the present without compromising the ability of future generations to meet their own needs.”
Tinalakay niya rin ang pag-usbong ng development goals mula sa walong layuning itinatag noong 2000, kung saan 189 bansa ang naging bahagi. Matapos ang 15 taon, napagtantong hindi sapat ang mga ito kaya’t nadagdagan pa ng siyam, dahilan upang umabot sa 17 Sustainable Development Goals (SDGs) noong 2016. Subalit sa kabila ng mga ito, may pangangailangan pa ring muling suriin ang epekto at pagtugon ng mga bansa sa mga layuning ito upang matiyak na makakamit ang mga target bago sumapit ang 2030.
Higit pa sa kaalaman tungkol sa SDGs, hinimok ni Cudia ang mga kabataan na maging mas mapanuri at patuloy na magtanong ng “Bakit?” upang matukoy ang ugat ng mga suliranin sa kanilang komunidad.
Binanggit din ni Cudia na patuloy nilang isusulong ang SDG Caravan hanggang 2030 upang mas mapalaganap ang kaalaman tungkol sa sustainable development.
Dagdag pa niya, magsisimula rin ngayong taon ang SDG Academy at SDG Champion upang higit pang mapalakas ang kakayahan ng kabataan.
Isa pang mahalagang segment ng pagtitipon ang Sangguniang Kabataan Shoutout, na pinangunahan ni Rian Maclyn R. Dela Cruz, SK Federation President. Sa kanyang State of Youth Address (SOYA), inilatag niya ang mga programa at inisyatibo ng SK sa lungsod ng Malolos.
Binahagi rin niya ang mga bagong programang ipapatupad ngayong taon at ang mga patuloy pang isusulong upang mas mapalakas ang sektor ng kabataan.
Nagpatuloy ang diskusyon sa pangunguna ni Romeo Gabriel P. Santos, SK Federation Vice President, kung saan naging mas interaktibo ang palitan ng ideya sa pagitan ng mga dumalo. Pinag-usapan ang mga proyektong dapat bigyang-pansin upang makatulong sa pagsasakatuparan ng 17 SDGs.
Sa pagtatapos ng kaniyang pananalita, nag-iwan si Santos ng isang mensahe: “Walang masasayang na proyekto kung ito ay naka-align sa SDG.” Isang paalala na anumang inisyatibo ng kabataan, gaano man kaliit o kalaki, ay may kakayahang baguhin ang kinabukasan kung ito ay may direksyon at layunin.
Tinalakay naman ni Rose Chelle Anne Rojas, National Youth Commission (NYC) – Area Office Head, ang Philippine Youth Development Plan (PYDP) 2023-2028, isang komprehensibong plano para sa pag-unlad ng kabataan.
Ayon kay Rojas, kasalukuyang nagsasagawa ang NYC ng pag-aaral sa kalagayan ng mga kabataan. Ang resulta nito ang magiging batayan sa pagbuo ng PYDP, na naglalaman ng mga estratehiya upang matugunan ang mga isyung natukoy sa National Youth Assessment Studies noong 2015 at 2021, pati na rin ang mga konsultasyon noong 2022.
Ipinaliwanag rin niya ang Centers of Participation at PYDP Strategies, na sumasaklaw sa edukasyon, kalusugan, pangkabuhayang kaunlaran, inklusyong panlipunan, kapayapaan at seguridad, aktibong partisipasyon, pamamahala at kalikasan, agrikultura, at pandaigdigang mobilidad.
Hinikayat din ni Rojas ang iba’t ibang sektor na makibahagi sa pagpapatupad ng mga programa at aktibidad na magpapalakas sa kakayahan ng kabataan.
Sa huling bahagi, nagbigay linaw si Estee Villafuerte tungkol sa proyekto na BUKLODAN na naglalayong pag-isahin ang iba’t ibang youth organizations sa Malolos upang mapalakas ang kanilang kolaborasyon at adbokasiya.
Bilang pagtatapos ng kongreso, sumailalim ang mga delegado sa isang workshop kung saan bumuo sila ng mga konkretong plano upang maisakatuparan ang kanilang mga natutunan. Sa gabay ng 10 Centers of Participation, nagbalangkas sila ng mga estratehiya at proyekto na maaaring ipatupad sa lungsod upang mapalakas ang papel ng kabataan sa paghubog ng mas inklusibo at progresibong kinabukasan.