
Pormal na nilagdaan ngayong ika-30 ng Hulyo, 2024 ang Memorandum of Agreement (MOA) kaugnay sa Republic Act 11332 Universal Healthcare Law (UHL) sa pagitan ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos at ng Bulacan Provincial DOH Office
Ayon kay Irish G. San Pedro, Development Management Officer IV ng Provincial DOH Office Bulacan, ang kasunduan na ito ay naglalayong isulong ang integrasyon ng lahat ng sistema ng pangkalusugang serbisyo sa buong Bulacan kung saan inaasahan na ito ay magbibigay daan sa mas malawak at mas episyenteng serbisyong medikal para sa mga Maloleño.
Ang kasunduang ito ay magtatakda ng mga tungkulin at responsibilidad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa organisasyon at pamamahala ng Province – Wide Health System (PWHS), layon ding pagbutihin ang pagtugon sa sistema ng kalusugan sa lungsod alinsunod sa UHC Act kung saan magiging katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa mga tungkulin at obligasyon para sa PWHS upang maipakita ang integrasyon sa pamamahala, teknikal, at pinansyal na aspeto na itinakda sa Memorandum of Agreement (MOA) na ito.
Dumalo sa naturang MOA Signing sina Punong Lungsod Abogado Mayor Christian D. Natividad, Irish G San Pedro Development Management Officer IV ng Provincial DOH Office, City Health Officer Dr. Frederick Tantoco Villano at City Legal Officer Atty. Cyrus Paul Valenzuela.