Isinagawa nitong ika-18 ng Marso ang groundbreaking ceremony ng ‘’Malolos Emergency Hospital’’.
Matatandaan na noong 2018, ay napagtibay ang City Ordinance 38 – 2018 na nagtataguyod ng pagtatayo ng City of Malolos Emergency Hospital at paglalagay ng kaukulang pondo para rito. Ang nasabing ordinansa ay iniakda ni Vice Mayor Noel G. Pineda na noo’y nanunungkulan bilang kasangguni na buong pusong sinuportahan ni Mayor Bebong Gatchalian na noo’y naninilbihan bilang ikalawang punong lungsod.
Ayon sa mensahe ni Mayor Bebong Gatchalian,ang nasabing trauma hospital ay pinagsama-samang pangarap ng buong Pamahalaang Lungsod para sa kaniyang mamamayan. Ito ay nakapaloob sa iisang layunin na magkaroon ng sariling pagamutan at magkaroon ng access sa iba pang mga programang pangkalusugan ang mamamayan. Ang nasabing pagamutan ay maglululan rin ng laboratory, pharmacy at dialysis center. Binanggit rin niya ang pagkakaroon ng Republicard. Isa itong integrated system na magagamit mula sa pagmo-monitor ng pasyente hanggang sa imbentaryo, pagpaplano at sistema ng pamamahala upang matiyak na episyenteng naipamamahagi ang mga kinakailangang gamot ng mamamayan.
Ayon sa pagpapaliwanag ni City Administrator Luisito Zuniga, ito ang kauna-unahang ospital ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos. Ito ay may approved budget na P30 Milyon (Phase 1). Ang naging bid amount ng nabanggit na ospital ay P 20,526,645.34 , kung kaya naman nakatipid ang Pamahalaang Lungsod ng P 9,473,354.66 na maaaring magamit para sa ikalawang bahagi ng itatayong trauma ospital.
Ang ground breaking ceremony ng City of Malolos Emergency and Trauma Hospital ay dinaluhan nina Kon. Nino Bautista, Kon. Ega Domingo, Kon. Rico Capule, Kon. Mikki Soto, mga pinuno ng iba’t-ibang departamento ng Pamahalaang Lungsod, Dr. Emily V. Paulino MD – MPH, Development Management Officer V at Irish San Pedro – DOH.