Bilang bahagi ng paggunita sa Fiesta ng Republika 2025, isang makabuluhang Lakbay Kasaysayan ang isasagawa sa loob ng dalawang araw. Ang mga mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralang elementarya dito sa Malolos ang magiging pangunahing kalahok sa lakbay kasaysayan na ito, na nagbigay-pugay sa mayamang kasaysayan at kultura ng Malolos.

Nagsimula ang unang araw sa unang batch ng mga mag-aaral mula sa mababang paaralan ng Ligas at Bungahan. Ang simbahan ng Barasoain ang isa sa pinuntahan ng mga mag-aaral kasama ang mga tour guides mula sa ating Arts, Culture and Sports office (ACTS)

Binisita ng mga mag-aaral ang museo ng Republika 1899, kung saan sila ay natuto sa mga naging kaganapan kung bakit dito sa Malolos idineklara ang kauna-unahang Republika sa buong Asya. Pinasyalan din ang Casa Real Shrine, na naglalaman ng pampulitikang kasaysayan ng ating bansa, Malolos Cathedral pati na rin ang Pariancillo.

Ang mga kalahok ay sumakay sa mga jeep na karatig pabalik sa bagong City Hall ng Lungsod.

Magpapatuloy ang lakbay kasaysayan hanggang bukas, ika-15 ng Enero,2025.

Ang Lakbay Kasaysayan ay hindi lamang isang pagdiriwang kundi isang paraan upang bigyang-inspirasyon ang kabataan na mahalin ang kasaysayan at ipagmalaki ang pagiging Pilipino.