Binigyang pagkilala nitong ika-8 ng Nobyembre, 2024 ng Bulacan State University (BulSU) Extension Services Office (ESO), ang lokal na tanggapan ng Malolos City Information Office (MCIO) sa pangunguna ni Regemrei P. Bernardo, Supervising Administrative Officer bilang stakeholder sa Camp Project VIII.
Bilang isang mahalagang sangay ng Unibersidad na nagsusulong ng mga proyektong pang-ekstensyon para sa pagtamo ng pangmatagalang kaunlaran at pag-abot sa mga layunin, idinisenyo at inihanda ng Extension Services Office (ESO) ang programang SAMBALARAN Camp Project.
Sa pagdiriwang ng ika-8 na taon nito, dala ang temang “Pag-unlad ng Komunidad: Patungo sa Makabuluhang Pagbabago sa Lipunan,” nag-aalok ang proyekto ng iba’t ibang mga aktibidad katuwang ang mga kolehiyo, kampus, stakeholders at benepisyaryo. Ang mga gawain ay idinaos noong Setyembre 2024 at nagtapos noong Oktubre 2024.
Ayon kay Dr. Vic Ramos, Ama ng SAMBALARAN, ang konsepto ay nagmula sa dalawang salita na SAMBA at LARAN na ang ibig sabihin ay pag-SAMBA at KAULARAN na kalaunan ay naging “Sama na sa Pambayang Kaunlaran”. Ito ay dakilang pagtitipon ng mga bayani ng komunidad na hanggang ngayon ay patuloy na pinagdiriwang at pinagbubunyi. Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, siya ay nag-iwan ng katagang “Puso ko ay para sa Komunidad”.
Nagbigay ng pambungad na mensahe si Dr. Keno Piad, Pangalawang Pangulo para sa Pananaliksik, Gawaing Ekstensiyon at Inobasyon, sa isang makabuluhang pagtitipon ng Bulacan State University (BulSU). Ibinahagi ni Dr. Piad ang posibleng epekto ng mga proyekto ng Extension Services Office (ESO), partikular na ang mga research-based project, na may potensyal na makilala hindi lamang sa antas pambansa kundi pati na rin sa pandaigdigang larangan. Sa kanyang mensahe, ipinahayag niya ang tiwala sa kakayahan ng mga proyektong ito na makapagbigay ng kontribusyon sa larangan ng pananaliksik.
Nagbahagi rin ng inspirasyonal na mensahe si Dr. Teody San Andres, Pangulo ng BulSU. Ayon kay Dr. San Andres, ang mga programang isinagawa sa ilalim ng Camp Project VIII ay nakatuon hindi lamang para sa unibersidad kundi para sa pangmatagalang kaunlaran o sustainable development ng buong komunidad. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng mga proyektong ito sa pagpapalakas ng komunidad at pagkamit ng kaunlarang pangmatagalan.
Samantala, bilang Panauhing Tagapagsalita, nagbigay-pugay si Dolores J. Molintas, Rehiyonal na Direktor ng Pambansang Pangasiwaan sa Kabuhayan at Pagpapaunlad (NEDA R-3), sa ESO at sa lahat ng naging katuwang sa mga proyekto. Mula nang ito’y mabuo noong 2017, nagpapasalamat siya sa mga taong tumulong upang maging matagumpay ang proyekto. Hanga siya sa ESO na nagsisilbing tulay para makamit ang matatag at panatag na pamumuhay para sa bawat miyembro ng komunidad.
Dumalo at ginawaran din ng pagkilala sa nasabing programa ang Solo Parent Federation na pinagungunahan ni Sofia Quetua, ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO) sa pamumuno ni Lolita SP. Santos, RSW at ang ibat ibang lokal at nasyunal na ahensya gayundin, ang mga College Extension Service Unit (CESU) Heads ng ibat ibang Kolehiyo ng BulSU.