Mula sa pakikigpatulungan ng City Tourism Office at National Commission for Culture and the Arts sa ilalim ng programang Philippine Cultural Education Program ay matagumpay na idinaos ang unang araw ng Capacity Building on Culture-Based Governance Seminar na may temang “History, Heritage & Culture: Decolonization and Sustainable Development Training” na isinagawa sa La Consolacion University Philippines Doña Estefania Auditorium, Barasoain Campus, Malolos Bulacan.

Sa pangunahing mensahe ni Dr. Virgilio S. Almario, National Artist for Literature, kaniyang tinalakay ang Reklamasyon, Rekuperasyon, at Rekonstruksyon ng Pambansang Gunita kung saan ang mga ito ay ang kahalagahan ng muling pagbawi, pagpapagaling, at pagbubuo ng pambansang alaala at identidad ng mga Pilipino. Ayon kay Almario, mahalaga ang reklamasyon o ang pagbawi sa mga bahagi ng ating kasaysayan at kultura na naisantabi o nalimutan dahil sa matagal na pananakop ng mga dayuhan. Kaniya ring ibinahagi na kailangan muling balikan ang mga katutubong tradisyon, wika, at mga aspeto ng ating kultura na napalitan ng banyagang impluwensya.

Sinundan niya ito ng kahulugan ng rekuperasyon na kung saan ito ay tumutukoy sa pagpapagaling ng pambansang gunita sa pamamagitan ng muling pagpapalakas ng ating kamalayan bilang mga Pilipino. Mahalaga ang proseso ng pagpapabalik ng mga alaala ng ating kasaysayan upang muling pagtibayin ang ating pagkakakilanlan bilang isang bansa.

Binigyang-diin naman ni Almario ang rekonstruksyon, na siyang tumutukoy sa muling pagbubuo ng pambansang identidad. Kung saan ito ay hindi lamang simpleng pagbabalik sa nakaraan, kundi isang pagsusumikap na itayo ang isang mas malalim at mas makabagong pag-unawa sa ating kasaysayan at kultura. Sa konteksto ng patuloy na paglaganap ng globalisasyon at modernisasyon, ipinapaalala ni Almario na mahalaga para sa mga Pilipino na manatiling nakaugat sa sariling kasaysayan at kultura upang hindi tuluyang mabura ang ating pagkakakilanlan bilang isang bansa.

“Paano mo mamahalin ang iyong sarili kung wala kang maalala sa iyong pinagmulan?” ani ni Almario bilang kaniyang pangwakas sa nasabing talakayan.

Ang nasabing seminar ay inaasahan na magpapatuloy hanggang sa ika – 5 ng Oktubre sa parehas na lokasyon.

Dumalo at nakiisa sina Dr. Joseph J. Cristobal, NCCA-PCEP Director, Pangalawang Punong Lungsod Miguel Alberto T. Bautista at City Tourism OIC Rommel Santiago.