
Pormal nang inilunsad nitong ika-26 ng Mayo ang Community Tour Guiding Workshop sa Malolos Resort Club Royale. Ang programa ay isinagawa sa pangunguna ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos, katuwang ang Department of Tourism – Region III.
Sa ilalim ng temang “Masigla, Masaya, Malolos Kakaiba!”, isinusulong ng proyekto ang pagbabahagi ng tama at makabuluhang kaalaman ukol sa mayamang sining, kultura, at kasaysayan ng lungsod.
Ito ang patunay sa patuloy na pagsusumikap ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos, sa pangunguna ni Punong Lungsod Abgdo. Christian D. Natividad katuwang ang CMO-ACTS (Arts, Culture, Tourism and Sports), upang higit pang pagyamanin ang makasaysayang pagkakakilanlan ng Malolos bilang duyan ng Unang Republika ng Pilipinas at tagapangalaga ng mayamang pamanang pangkultura ng bansa.
Isinagawa ang workshop para sa mga nagnanais maging lokal na tour guide ng lungsod. Layunin nitong sanayin at bigyang-kaalaman ang mga kalahok sa mahahalagang aspeto ng kasaysayan, kultura, at turismo ng Malolos upang maging epektibo at kapani-paniwalang gabay para sa mga bisita.
Magtatagal ang programa hanggang Hunyo 1, 2025, na sasaklaw sa mga lecture, lakbay-aral, at praktikal na pagsasanay tulad ng pagbibigay ng paunang lunas sa oras ng sakuna.