Matagumpay na naidaos sa pangalawang pagkakataon ng Bulacan State University -College of Arts and Letters Mass Communication and Performing Arts Department, katuwang ang Malolos City Information Office, ang isang seminar na bahagi ng kanilang Digital Literacy Program na may pamagat na ‘’Building an On-Line Community: Promoting the Facebook Page for Long-term growth.”

Kung matatandaan, inilunsad ang proyekto noong ika-7 ng Marso sa Pamahalaang Barangay ng Caingin upang magbigay ng kaalaman at kasanayan sa tamang pamamahala ng social media, partikular na ang kanilang Facebook page.

Sa unang bahagi ng seminar, ipinaliwanag ni Maria Theresa S. Santos, isa sa mga pangunahing tagapagsalita at project leader ng College of Arts and Letters-Broadcasting Program, ang layunin ng proyekto. Aniya, batay sa pag-aaral, isa sa may pinakamaraming likes at followers ang FB Page ng Pamahalaang Barangay ng Barihan. Dahil dito, ibinahagi nila ang kanilang kaalaman sa digital literacy upang matulungan ang barangay na mapahusay ang pamamahala ng kanilang FB page.

Inilahad ni Santos ang kasalukuyang estado ng Facebook sa Pilipinas. Aniya, noong Enero, umabot sa 86.2% ang gumagamit ng Facebook sa bansa, kung saan karamihan ay nasa edad 18-24. Sa kabuuan, 53% sa mga ito ay kababaihan, habang 47% ay kalalakihan.

Upang mapabuti ang organic reach ng kanilang FB page at mapaunlad ang pamamahala ng social media, binigyang-diin ni Santos ang kahalagahan ng Community Engagement, Transparency and Trust.

Nagbigay rin siya ng mga best practices sa epektibong pamamahala ng FB page tulad ng:

Consistent Posting, Content Variety, at Community Interaction.

Samantala, ibinahagi naman ni Regemrei P. Bernardo, City Information Division Head, ang tamang proseso sa paglikha at pangangasiwa ng social media. Ayon sa kaniya, ang FB Page ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos ay isinulong batay sa pananaliksik mula sa iba’t ibang best practices ng mga piling ahensya ng pamahalaan na matagal na ang karanasan sa industriya.

Inilahad niya ang mahahalagang gabay sa pamamahala ng FB page, kabilang ang: Pagkakaroon ng identidad at kalinawan sa layunin sa paglikha ng page, pag-aaral sa target audience, paglikha ng de-kalidad at kapaki-pakinabang na nilalaman, pagsusuri sa mas akmang oras ng pagpapaskil, at pagsubaybay sa mga tugon at kumento ng publiko.

Hinikayat din niya ang lahat na maging mapanuri at maingat sa pagbabahagi ng mga impormasyon mula sa mga lehitimong sources. Kinakailangan din aniya na maging maalam sa mga umiiral na batas gaya ng copyright, cybercrime, at data privacy act.

Sa pagtatapos ng seminar, ay nagbigay ng mungkahi si Bernardo sa pagkakaroon ng isang panukala sa mga barangay na kung saan ay mapapanatili ang opisyal na Facebook Page ng isang pamahalaang barangay kahit magbago na ang administrasyon nito.

Samantala, taos-pusong nagpasalamat si Lois Ruth B. Villavicencio, Department Chairperson ng BulSU-CAL MCPAD, sa Sangguniang Barangay ng Barihan, sa pamumuno ni SB Chairperson Christopher Bernardo o “Kap. Toto,” pati na rin sa lahat ng dumalo at nakiisa sa proyekto.