Layunin ng aktibidad na ito ang makakalap ng mga makabagong pamamaraan upang higit pang mapalawak ang kanilang kaalaman at mapahusay ang pagbibigay ng pangunahing serbisyo para sa kabataan.

Sa kaniyang pambungad na pananalita, ibinahagi ni Local Youth Development Officer Bryan Paolo S. Santiago ang mga tagumpay ng kanilang tanggapan, kabilang na ang back-to-back na pagkilala bilang Outstanding Local Youth Development Office sa Philippine Sangguniang Kabataan Awards noong 2023 at 2024.

Ani Santiago, “Sabi ng ating pambansang bayani, Dr. Jose Rizal, na ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Hanggang kailan ba natin hihintayin na maging pag-asa ng bayan ang mga kabataan? Hindi ba’t dapat ngayon pa lamang ay inaasahan na sila ng bayan?”

Ibinida rin ang pagkakatatag ng Maloleño Youth Network, isang nongovernmental organization (NGO) na nagsisilbing umbrella organization para sa mga rehistradong youth organization sa Lungsod ng Malolos.

Ipinakilala rin ni Santiago ang bagong programa na BUKLODAN: Buklod Kabataan, na layuning pag-isahin ang iba’t ibang youth organizations sa lungsod upang mapalakas ang kanilang kolaborasyon at mga adbokasiya.

Kabilang sa mga aktibidad ang pagbisita sa mga makasaysayang pook sa Lungsod ng Malolos gaya ng Barasoain Church, Casa Real, Malolos Cathedral, at nagtapos sa Palacio Real de Sto. Niño.

Isinagawa rin ang pagpirma sa isang Memorandum of Understanding sa pagitan ng Local Youth Development Council ng Lungsod ng Malolos at ng Munisipalidad ng Dipaculao, na layuning pagtibayin ang sister-brotherhood ng dalawang panig para sa pagpapalakas ng mga gawaing nakatuon sa kabataan.

Dumalo at nakiisa sa aktibidad sina Pangalawang Punong Lungsod Miguel Alberto T. Bautista, Konsehal Victorino “Troi” G. Aldaba III, Sangguniang Kabataan Federation President Rian Maclyn R. Dela Cruz, SK Federation Vice President Romeo Gabriel P. Santos, BCAM President Miel Arthem B. Agustin, Sports and Youth Advocate Meri Ann Geli “Coach Geli” Bulaong, at Chief of Staff Fernando E. Durupa.