Bilang pagtatapos ng pagdiriwang ng Elderly Month o Buwan ng mga Nakatatanda, nagdaos ng programang “Pakitang Gilas nina Lolo at Lola” sa Walter Mart Malolos.
Masigla at masayang ibinahagi ng mga lolo’t lola ang kanilang talento sa pagkanta at pagsayaw na tinunghayan ng mga senior citizen mula sa iba’t ibang barangay sa Malolos.
Bilang pakikiisa sa nasabing programa, nag-alay ng kanta para sa mga senior citizen ang butihing ina ni Mayor Christian D. Natividad na si Gng. Matilde Dionisio-Natividad.
Nagbigay rin ng mensahe si Konsehal Emmanuel Sacay bilang Tagapangulo ng Lupon sa Katandaan, beterano, retirado at may kapansanan, kung saan ibinahagi niya ang mga planong programa para sa mga senior tulad ng social pension para sa mga 60 years old at financial assistance sa mga PWD.
Ang nasabing programa ay sa pagtutulungan ng Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) at Federation of Senior Citizens Association of the Philippines (FSCAP) at ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos.
Dumalo rin sa gawain sina Vice Mayor Miguel Alberto T. Bautista, Kon.Kiko Castro, Kon. JV Vitug, City Administrator Joel Eugenio at iba pa.