Kaalinsabay ng lingguhang pagtataas ng watawat ngayong ika-29 ng Hulyo, iniulat ni LDRRMO IV Kathrina Pia D. Pedro mula City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ang mga naging pinsala ng Bagyong Carina sa lungsod ng Malolos. Ayon sa kaniya, 255.9mm ng ulan ang ibinagsak ng bagyo sa loob ng 24 oras.

Dagdag pa rito, nasa 785 pamilya ang napilitang lumikas at tumuloy sa mga evacuation center sa lungsod na umaabot sa 2,701 na indibidwal.

Samantala, sa tala ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) mahigit 2,010 pamilya ang naapektuhan ng bagyo at nagdulot ng paglikas ng 9,371 indibidwal mula sa kanilang mga tahanan.

Sa kabuoan ay 78,029 na pamilya at 270,213 indibidwal ang naapektuhan ng bagyong Carina sa lungsod kung saan binuksan ang mga evacuation centers tulad ng mga pampublikong paaralan, covered courts, at mga simbahan para sa mga evacuees.

Binanggit din ni Pedro na ayon sa report ng City Agriculture Office base sa kanilang inisyal na datos noong Hulyo 25, 2024 ay tinatayang nasa 47,925 pesos ang naging pinsala sa palay, habang umaabot naman sa 4,464,069 pesos ang pinsala sa mga palaisdaan sa lungsod.

Ipinaabot naman ni City Administrator Joel S. Eugenio ang mensaheng pasasalamat ni Punong Lungsod Abgdo. Christian D. Natividad sa lahat ng mga tumulong sa pagtugon sa kalamidad na dulot ng Bagyong Carina.

Ilan sa mga pinasalamatan ay ang bumubuo ng Sangguniang Panlungsod sa pangunguna ni Pangalawang Punong Lungsod Miguel Alberto T. Bautista. Gayundin din ang bawat departamento ng pamahalaang lungsod na nakiisa sa bayanihan noong panahon ng kalamidad gaya ng City Mayor’s Office, City Administrator’s Office, City Disaster Risk Reduction and Management Office, Malolos PNP, City Social Welfare and Development Office, City Engineering Office, General Services Office at City Health Office. Pinaabot din nya ang pasasalamat sa mga pribadong indibidwal at organisasyon na nagpaabot ng tulong.

Dagdag pa niya, nakapagsimula na ang Pamahalaang Lungsod sa pamamahagi ng relief goods sa ilang barangay na naapektuhan ng bagyo kung saan binigyang prayoridad ang mga nasa evacuation center.

Inaasahan ang pagpapatuloy ng pamamahagi at sisikaping maabutan ng tulong ang bawat pamilya na nasalanta ng bagyo.

Sa huling bahagi, nabanggit ang paglubog ng barkong MT Terra Nova sa Bataan kung saan nakaabot na ang oil spill sa Hagonoy, Bulacan. Kung magpapatuloy ang pagkalat nito, maaaring abutin nito ang mga coastal areas ng lungsod na posibleng makaapekto sa mga mangingisdang naghahanapbuhay at sa mga residente rito.

Dahil dito, nagbigay ng paalala si CA Eugenio sa mga Malolenyo na mag-ingat muna sa pagkain ng mga lamang dagat upang maiwasan ang posibleng epekto nito sa kalusugan.