Matagumpay na nagsipagtapos noong ika-8 ng Nobyembre, 2024 ang 36 trainees, sa apat na araw na Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA). Ito ay binubuo ng mga kinatawan mula sa Pamahalaang Lungsod ng Malolos, iba’t ibang ahensya, at uniformed personnel.
Ang pagsasanay sa pagtutulungan ng Office of the Civil Defense (Region 3) at City of Malolos Disaster Risk Reduction and Management Office.
Bahagi ito ng isinusulong ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos, sa gabay ni Punong Lungsod Christian D. Natividad na nagpapahalaga sa pagbibigay ng proteksyon sa buhay ng bawat indibidwal.
Ang RDANA Training ay naglalayong mapabilis ang pagsusuri at pag-audit ng mga pinsala at pangangailangan matapos ang isang kalamidad o sakuna. Ipinapakita nito ang kahalagahan ng pagiging handa at mabilisang aksyon sa oras ng kagipitan.
Sa pagbubukas ng pagsasanay, binigyang-diin ni LDRRMO IV Kathrina Pia D. Pedro ang kahalagahan ng maayos na pagtugon sa mga krisis at sakuna. Pinasalamatan din niya ang lahat ng mga kawani na nakiisa sa pagsasanay.
Kabilang sa tinalakay ang introduksyon at paghahanda sa RDANA, konsepto ng operasyon, mobilisasyon, pamamaraan na may konsepto ng epektibong pagkuha, pag-ipon, pagtatala, pagtatasa, pagsusuri, paglalahad, at pagbabalita gamit ang mga nakalap na datos.
Naging tampok sa nasabing pagsasanay ang pagsasagawa ng Real-Life Simulation Exercise ng mga lumahok para sa maayos at epektibong operational procedures para sa pagkolekta ng mga datos na nararapat, na siyang magiging batayan ng mga isasagawang pagpapaabot ng tulong at mga agarang responde sa mga pamayanan matapos ang malawakang kasiraan dulot ng kalamidad.
Naging mga tagapagsanay sina Dr. Mike Kenneth Piluden -Philippine Tactical Rescue, Gerry Calimoso – Angeles City DRRM Office, at Francis Pangilinan – Angeles City Traffic Development Office.