
Idinaos nitong ika – 28 ng Pebrero ang kauna-unahang quarterly joint meeting ng City of Malolos Adolescent Pregnancy and Prevention Council (CMAPPC) at Local Population and Development Committee, kung saan pangunahing tinalakay ang pagpapalakas ng mga programa upang mapababa ang bilang ng teenage pregnancy sa lungsod.
Sa nasabing pulong, inilahad ng City Social Welfare and Development Office – Population Division ang kanilang kasalukuyang mga inisyatiba sa pagpapatibay ng kampanya laban sa maagang pagbubuntis.
Ipinresenta ni Population Officer Joemari S. Caluag ang mga programa ng kanilang tanggapan, kabilang ang:
– Bilateral Tubal Ligation
– Pre-Marriage Orientation and Counselling
– Responsible Parenthood and Family Planning Seminar
– KKK (Kabataang may Kaalaman, may Kinabukasan Seminar)
– Bahay Bahayan: Kwento ng mga Batang Ina (An AHD Film Festival Competition)
Ayon kay Caluag, malaking tulong ang mga programang ito sa patuloy na pagbaba ng bilang ng teenage pregnancy sa Malolos. Dagdag pa niya, hindi magiging matagumpay ang mga inisyatibang ito kung wala ang suporta ni Punong Lungsod Abgdo. Christian D. Natividad at ang pakikipagtulungan ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaang lungsod.
Inaasahan din na magkakaroon ng kolaborasyon sa pagitan ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos at Bulacan State University hinggil sa research consolidation ayon sa mga kailangan ng bawat tanggapan na siyang makakatulong sa pagpapalawig ng mga programa.
Gayundin ang pakikipagtulungan sa Philippine Statistics Authority hinggil sa data consolidation para sa mas maayos na datos ng populasyon sa Lungsod.
Samantala, iminungkahi ni Assistant Information Officer Gino Romeo S. Bautista III na ang Malolos City Information Office at Roving Radio Station ay bukas sa lahat ng mga tanggapan na nais ipaalam sa publiko ang kanilang mga programa at proyekto.
Dumalo at nakiisa sina Assistant City Adminstrator Gertudes N. De Castro, CSWDO Department Head Lolita S.P. Santos RSW, LCR Department Head Jocelyn A. Javier, SK Federation President Rian L. Maclyn at mga kinatawan at kasapi ng konseho.