Matagumpay na nagtapos ang 25 Recovering People Who Used Drugs (RPWUD) mula sa dalawang buwang Aftercare Program nitong ika-8 ng Nobyembre, 2024, sa pangunguna ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) na pinamumunuan ni Lolita SP Santos, RSW. Ang seremonya ay ginanap sa ika-apat na palapag ng Auditorium ng New City Hall Building.
Layunin ng programang ito na bigyan ng sapat na kaalaman ang mga RPWUD upang matulungan silang makabalik sa lipunan. Sa loob ng dalawang buwan, sumailalim sila sa counseling tuwing Martes at nagkaroon ng mga pagsasanay sa ilalim ng mga livelihood training program ng City Training Employment and Cooperative Office (CTECO). Tumanggap din sila ng financial assistance mula sa pamahalaang lungsod, sa pangunguna ni Punong Lungsod Abgdo. Christian D. Natividad, na magsisilbing pantulong sa kanilang muling pagsisimula.
Dumalo sa seremonya ang mga kamag-anak ng mga RPWUD, ilang kapitan ng barangay, at iba pang mga kinatawan ng CSWDO. Kabilang dito sina Pastora Bibiana Lita V. Conception bilang facilitator at counselor, Jocel Dionisio at Ma. Ines Rosana Recio mula sa TESDA-CTECO, SJO2 Victor Santos Jr. mula sa BJMP, PEMS Jayson D. Salvador ng PNP, at Jinky Joy Del Rosario, RSW, ng Social Services Division ng CSWDO.