Matapos ang tatlong araw na pagbisita at ebalwasyon ng Board of Judges ng LCC sa mga programa ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos, nagkaroon ng pagbati, talakayan, at pagbibigay-suhestiyon sa mga proyekto ang mga hurado.

Umani ng papuri ang mga programa ng Pamahalaang Lungsod dahil ayon sa mga hurado, malaki ang impact ng mga ito sa mamamayan ng Malolos dahil nakatutulong din ito sa kabuhayan, kapaligiran, kalusugan, kaligtasan, at pagpapaunlad ng kaalaman ng mga Maloleños.

Ayon sa judges, participative governance ang isa sa katangiang mayroon ang Pamahalaang Lungsod ng Malolos dahil sa pagkakaisa ng mga departamento sa pagtataguyod ng mga proyekto para sa ikapapakinabang ng nakararami.

Dagdag pa ng mga hurado, malaki ang naitulong ng pagpapalaganap ng mga balita, anunsyo, at paalala dahil nagkakaroon ng kamalayan ang mga taga-Malolos sa mga kaganapan sa kanilang lugar.

Sa pagtatapos ng programa, nag-iwan ng makabuluhang mensahe si Punong Lungsod Christian D. Natividad,

“Saanman kami nagmula, anuman ang paniniwala, pangarap ng bawat isang taga-Malolos na magkaroon ng mga bagay na magpapatuloy sa mga susunod na henerasyon.”

Kaugnay ng nasabing ebalwasyon, nagbigay din ng mga suhestiyon ang Board of Judges sa ilang programa upang mas marami pa ang maabot at matulungan ng mga proyekto.

Dumalo sa nasabing gawain sina Pangalawang Punong Lungsod Miguel Alberto T. Bautista, City Administrator Joel Eugenio, Chief of Staff Ferdie Durupa at mga puno ng iba’t ibang departamento ng City Hall.