
Sa pangunguna ng Population Welfare Division (PopCom) ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) na pinamumunuan ni Lolita SP. Santos, RSW, isinagawa ang isang pagpupulong na naglalayong magtatag ng isang Local Population and Development Committee sa lungsod noong ika-7 ng Agosto 2024.
Layunin nito na tugunan ang mga isyu ng populasyon sa komunidad na magbibigay-daan sa mas mabilis na pagkamit ng demographic dividend. Mahalaga ang komiteng ito para maisama ang mga salik ng populasyon sa pagpaplano ng pag-unlad, paggawa ng patakaran, at pagbuo ng mga programa.
Sa pakikipanayam kay Adreal Denver Monterona, Assistant Regional Director, kanyang inilahad ang datos ng populasyon sa Central Luzon gayundin ang Development Situation at protocols para sa pagbuo ng Local Population and Development Committee.
Ipinaliwanag din ni Monterona na ang demographic dividend ay economic benefit na nakukuha kapag ang isang bansa ay may mas mataas na bilang ng mga nagtatrabaho kaysa sa mga dependent, dahil sa pagbabago sa age structure ng populasyon. Ang pagtaas ng proporsyon ng mga nagtatrabaho sa mga umaasa ay nagreresulta sa mas mataas na produktibidad at mas kaunting gastos sa suporta ng mga bata, na nagbibigay ng pagkakataon sa bansa na mag-invest sa edukasyon, imprastruktura, at kalusugan.
Dagdag pa ni Joemari Caluag, Population Division Head, nakatuon ang komiteng ito sa pagtugon sa mga isyu ng populasyon upang makamit ang tinatawag na demographic dividend. Ipinahayag niya na mahalaga ang pagpapababa ng birth rate at pagpapalawak ng working age population upang makapagbigay ng mas maraming trabaho.
Dumalo at nakibahagi din sa talakayan si City Administrator Joel S. Eugenio, kabilang ang iba’t-ibang sektor ng lipunan, at ilang mga kinatawan ng tanggapan ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos.