
Matagumpay na naisagawa ang isang seminar-training para sa Pamahalaang barangay ng Caingin na pinangunahan ng Bulacan State University -College of Arts and Letters Mass Communication and Performing Arts Department.
Layunin nito na makapagbigay kaalaman at kasanayan sa barangay sa wastong pamamahala ng Social Midya, partikular na ang kanilang facebook page. Sa pamamagitan nito, mas mapapa-igting ang pagpapalaganap ng impormasyon patungkol sa iba’t-ibang mga programa, proyekto at serbisyo na ipinagkakaloob ng barangay sa kaniyang nasasakupan.
Ayon sa unang tagapagsalita na si Ms. Maria Theresa S. Santos ng College of Arts and Letters-Broadcasting program, ‘’Ang pagpopost sa facebook page ng mga bagay na napagtagumpayan at napagtapusan ng barangay ay nakakabuo ng malalim na pagtitiwala sa barangay, at mga kabarangay. Sa pamamagitan ng wastong impormasyon, natutulungan ang bawat isa upang magkaroon ng mas malinaw na pananaw sa mga isyung kinahaharap ng lipunan.’’
Ibinahagi naman ni Mr. Regemrei Bernardo, Division Head ng Malolos City Information Office ang mga mahahalagang panuto upang mas maging epektibo ang paghawak ng isang FB page. Ilan sa kaniyang mga tinalakay ang: kahalagahan ng pagkakakilanlan sa mandato ng iyong organisasyon; Target audience; pagtatakda ng malinaw na mga layunin; mga panuto sa paglikha ng epektibong content; pagpili ng angkop na midya platform; pag-iiskedyul ng content sa oras na mas marami ang maaaring makapanood/makabasa nito, maging ang kahalagahan ng pag-momonitor ng mga magiging reaksyon ng mga netizens sa kanilang posts.
Sa pagtatapos, taos-pusong nagbigay ng pasasalamat si Barangay Captain, IGG. Robin Cruz kasama ang buong Sanguniang Barangay ng Caingin sa Bulacan State University-College of Arts and Letters dahil isa sila sa mga napiling pagdausan ng ganitong aktibidad.
Aniya, naging fruitful ang kanilang araw dahil sa mga natutunan nila upang mas mapaglingkuran pa nila ang mga kabarangay katuwang ang Punong Lungsod Mayor Christian D. Natividad at Vice Mayor Miguel Alberto T. Bautista.
Inaasahan naman ang ikalawang bahagi ng proyekto na isasagawa sa ika-20 ng Marso sa Pamahalaang Barangay ng Barihan.