
Dumating nitong ika-16 ng Agosto ang mga board of judges at ang LCC Secretariat Coordinator upang magsagawa ng pagbisita at ebalwasyon sa iba’t ibang tanggapan at mga pangunahing proyekto ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos.
Ang National Literacy Award ay sa pangangasiwa ng Literacy Coordinating Council (LCC) kung saan ang pangunahing layunin ay kilalanin ang literacy practices sa Local Government Office (LGU) at Nongovernment Organizations (NGOs).
Sa mensahe ni Punong Lungsod Abgd. Christian D. Natividad, kaniyang binigyang diin na magsisimula ang isang malayang pamayanan kung ang kabataan ay mulat sa kaalaman.
‘’Kung walang kaalaman ang ating mamamayan, kanino natin ipamamana ang ating dakilang bayan’’ dagdag pa ng Punong Lungsod.
Nagbalik-tanaw din si Natividad sa mga pinagdaanang problema ng lungsod noong siya ay bago pa lamang nanunungkulan noong 2010.
Kabilang sa kanyang mga tinalakay ang kakulangan sa mga classroom, paaralan, Proyektong Food for Hungry minds, scholarships at iba pang mga programang tumugon sa pangangailangan ng mga kabataan para makapag-aral.
‘Pangarapin nating lahat ng bata matalino sa Lungsod ng Malolos”, panghihikayat ni Natividad.
Ang pagbisita at ebalwasyon ng LCC ay magtatapos sa ika-19 ng Agosto.
Nakiisa rin sa nasabing gawain sina Pangalawang Punong Lungsod Miguel Alberto T. Bautista, Kon. Niño Bautista, City Administrator Joel Eugenio, Dr. Norma P. Esteban EdD, CESO V, at mga puno ng mga tanggapan sa City Hall.