Inilunsad sa Malolos Sports and Convention Center, matagumpay na naisagawa
ang pagbubukas ng bagong tahanan ng Malikhaing Malolenyo. Kung matatandaan unang nailunsad ang programang ito sa Academia Technologica de Santa Judiel sa Brgy Bulihan kung saan naganap ang pagsasanay sa pananahi at pagdisenyo ng Terno Serpentina at Traje de Mestiza, kaya naman lubos ang naging kagalakan ng mga kalahok nito sa pagkakaroon ng sarili nilang lugar kung saan magagawa nila ang kanilang mga obra.
Kaalinsabay ng naturang pagbubukas ay ang pagpapatuloy ng Barong Design and Construction Workshop na unang naisagawa noong ika-25 ng Nobyembre. Tampok dito ang mga lokal na mananahi sa ating lungsod kung saan magtatagisan ng husay at galing ang mga ito sa pagsasanay at padidisenyo ng mga barong.
Layunin ng programang ito ang maipagmalaki ang mga talento at husay ng mga Malolenyo sa larangan ng pagdidisenyo. Ayon naman kay Lota M. Yasa OIC Chief Business Development Division ng Department of Trade and Industry, testamento aniya ito ng pagtutulungan at pagsusumikap ng iba’t-ibang ahensya maging pribado man ito o pampubliko sa pagsusulong ng adhikaing makatulong at mapaunlad ang antas ng pamumuhay ng isang komunidad.
Ang naturang programa ay mula sa pakikipagtulungan ng Rotary Club of Malolos Hiyas, BulSU- College of Industrial Technology, Department of Trade and Industry at ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa pamamagitan ng Business Permit and Licensing Office. Ito ay bahagi din ng programang Lunsod Lunsad ng DTI.
Dumalo at nakiisa ang ilang kawani ng Business Permit and Licensing Office sa pangunguna ni Atty Aida Bernardino, Ruby Magbitang at Anatalia Marasigan ng BulSu- CIT, Lovely Uson ng CT Skyline Enterprise at Lota M. Yasa OIC-Division Chief Business Development at Judith B. Dela Cruz Senior-Trade Industry Development Specialist ng DTI.