
Isang makabuluhang pagtatanghal ng Senakulo ang naisinagawa ng Center Stage Performing Arts Guild noong nakaraang Huwebes, Abril 17, 2025. Sa ikalawang pagkakataon, muling ipinamalas ng grupo ang husay, dedikasyon, at pagkamalikhain sa pagsasabuhay ng mahahalagang tagpo sa buhay, pagpapakasakit, at muling pagkabuhay ni Hesukristo.

Pinangunahan ni Mark Joshua Maclang ang produksyon bilang direktor. Matatandaang si Maclang ay naging isa sa mga aktor sa Senakulo ng nakaraang taon, at ngayon ay pinatunayan niyang hindi lamang siya mahusay sa pag-arte, kundi pati na rin sa pagdirehe ng isang buong palabas.
Bagamat simple lamang ang ginamit na set at production design, naging kahanga-hanga ang palabas dahil sa malikhaing paggamit ng mga miyembro ng guild sa iba’t ibang elemento upang mabigyan ng buhay ang bawat eksena. Sa kabila ng limitadong kagamitan, napuno ng damdamin, pananampalataya, at sining ang entablado—patunay na ang tunay na sining ay hindi nasusukat sa karangyaan, kundi sa taos-pusong pagsusumikap ng bawat isa.

Ikinatuwa ng mga manonood ang lalim ng pagganap ng mga artista at ang malinaw na mensaheng ipinabatid ng dula. Marami rin ang humanga sa paraan ng storytelling na simple ngunit tumatagos sa puso ng lahat ng nakasaksi.
Ang pagtatanghal na ito ay isang patunay ng lumalalim na dedikasyon ng Center Stage Performing Arts Guild sa pagbuhay at pagpapanatili ng ating mga tradisyon sa makabagong panahon.