Isang mahalagang pagpupulong ang isinagawa ng mga kasapi ng Gender Equality, Disability, and Social Inclusion (GEDSI) sa Lungsod ng Malolos nitong ika – 21 ng Marso, na tinalakay ang mga polisiya at inisyatibong naglalayong mapabuti ang kalusugan ng kababaihan at kalalakihan laban sa Human Papilloma Virus (HPV).

Dinaluhan ito ng mga miyembro at kinatawan ng GEDSI, kung saan ibinahagi ni Dr. Dennis Delgado, isang OB-Gyne Specialist mula sa MSD Philippines, ang mahahalagang impormasyon ukol sa HPV.

Ayon kay Dr. Delgado, ang bilang ng kaso ng cervical cancer sa Pilipinas ay patuloy na tumataas, dahil sa katotohanang ang HPV ay isang sexually transmitted infection na nakakaapekto sa parehong lalaki at babae. Dagdag pa niya, maraming kaso ng HPV ay asymptomatic, kaya’t hindi agad ito natutuklasan, lalo na sa mga hindi regular na nagpapakonsulta sa doktor.

Tinalakay rin ang mga maaaring epekto ng HPV sa isang indibidwal, kabilang ang depresyon, pagkawala ng produktibidad, pananakit at hindi komportableng pakiramdam, kahirapan sa pakikipagtalik, negatibong pagtingin sa sarili, at pagkakahiwalay sa lipunan.

Binigyang-diin ni Dr. Delgado na isa sa pinakamabisang paraan upang maiwasan ang sakit na ito ay ang pagpapabakuna.

“Get yourselves vaccinated, or encourage your friends and loved ones to get vaccinated as soon as possible,” Aniya.

Sa ikalawang bahagi ng pagpupulong, tinalakay naman ang programang “Healthy Workplace” ng Department of Health (DOH), na naglalayong isulong ang kalusugan ng bawat empleyado sa ilalim ng joint memorandum ng Civil Service Commission (CSC), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Department of Labor and Employment (DOLE). Isa sa mga pangunahing layunin ng programang ito ay ang pagbibigay ng bakuna, tulad ng flu vaccine at HPV vaccine, sa mga empleyado ng iba’t ibang institusyon.

Samantala, ibinahagi rin ni Dr. Sophie Anne Marie Ampo, MBA Market Access Manager ng MSD Philippines, ang mga programa at estratehiyang isinusulong sa mga lokal na pamahalaan. Kabilang dito ang pagbibigay ng libreng bakuna sa mga kawani at pagsasanay sa tamang pagsasagawa ng Pap smear at Visual Inspection with Acetic Acid (VIA) upang mapalaganap ang kaalaman at maagang matukoy ang mga kaso ng HPV.

Sa pagtatapos ng pagpupulong, nagbigay ng mensahe si Dr. Eric Villano, Officer-in-Charge ng City Health Office at miyembro rin ng GEDSI. Ayon sa kanya, mahalagang magamit ng Gender and Development (GAD) ang mga impormasyong napag-usapan upang higit pang matulungan ang mga kababaihan sa pamahalaan sa pagpapalaganap ng HPV awareness at preventive measures.