Nagsagawa ng seminar ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO), sa pamumuno ni Lolita SP. Santos, RSW, nitong ika-3 ng Disyembre, 2024 sa Regional Evacuation Center bilang bahagi ng 18-Day Campaign to End Violence Against Women. Ang programa ay dinaluhan ng mga Women’s Desk Officers mula sa iba’t ibang barangay sa lungsod.
Pinangasiwaan ni Atty. Marjorie L. Dionisio at Atty. Russel M. Respicio, ang seminar kung saan tinalakay ang mahahalagang aspeto ng Magna Carta of Women, Domestic Violence, at iba pang isyu na kinakaharap ng kababaihan. Ayon kay Dionisio, ang Magna Carta for Women o MCW ay nakapaloob sa Republic Act 9710, na nagsusulong ng karapatan at proteksyon para sa mga kababaihan.
Ipinahayag din niya ang kahalagahan ng batas na ito, na isinulat ng yumaong Senadora Miriam Defensor Santiago, upang matiyak na may sapat na suporta at karapatan ang kababaihan sa iba’t ibang larangan.
Tinalakay din sa nasabing programa ang proteksyon ng hindi lamang ng mga kababaihan kung hindi ang mga anak nito sa anumang uri ng karahasan at pangaabuso. Ito ay kaalinsunod sa Republic Act 9262 o mas kilala sa tawag na Anti- Violence Against Women and their Children Act of 2004. Layunin nitong bigyang solusyon at suporta ang mga biktima ng pangaabuso mapa- sekswal, pisikal, emosyonal at ekonomikal man ito.
Kaalinsabay ng nasabing programa, matagumpay na naisagawa ang Soya Candle Making Workshop sa pangangasiwa ng City Training, Employment and Cooperative Office (CTECO) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Layunin ng Livelihood Skills Training Program na ito na bigyan ng dagdag-kaalaman ang mga dumalo upang magamit nila ito para sa kanilang personal na pangangailangan o bilang karagdagang pagkakakitaan.
Pinangunahan ni Angelita L. Mungcal, TESDA Accredited Trainer ang pagsasanay. Ibinahagi niya ang mga epektibong paraan sa paggawa ng kandila, kabilang na ang tamang paghahalo ng mga sangkap upang mapaganda ang kalidad ng produkto. Itinuro rin niya kung paano matukoy ang dekalidad at maayos na pagkakagawa ng kandila.
Bukod sa mga miyembro ng Women’s Desk Officers ng Lungsod ng Malolos, dumalo rin sa programa si CTECO Training Division Focal Person Cherry Mendoza at ang ilang mga kawani ng City Social Welfare and Development Office sa pangunguna ni Lolita SP. Santos, RSW at Jinky Joy Del Rosario.