Ang gawain ay pinangunahan ni Punong Lungsod Bebong Gatchalian. Tinalakay sa pagpupulong ang mga programa, proyekto at mga gawain bilang paghahanda sa Local Investment Program (LDIP) para sa taong 2023 hanggang 2025. Ipinaliwanag naman ni Engr. Eugene N. Cruz, En. P ang akreditasyon ng mga Civil Society Organization – Local Special Bodies (2023-2025).

Malugod na ibinalita ni Mayor Gatchalian ang mga naipundar ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa nakalipas na tatlong taon katulad ng pagpapatayo ng gusali ng command center na sa kasalukuyan ay malapit ng matapos, pabahay at itatayo na Malolos Emergency and Trauma Hospital. Nai-turn over na rin sa City Health Office ang mga Health Card na magagamit sa check-up, medicine dispensing, inventory at laboratory. Kasalukuyan ring isinasaayos ang Malolos Ecopark and Material Recovery Facility.

Binanggit ni Mayor Gatchalian na ang Lungsod ng Malolos ang kakatawan sa Region 3 para sa National Literacy Award ng Department of Education.

Inaasahan rin na mababawasan na ang pagbaha dahil sa malawakang dredging sa daang tubig na gagawin ng Pamahalaang Panlalawigan sa unang distrito ng Bulacan.

Nagpasalamat si Mayor Gatchalian sa pakikibahagi ng CMDC at Civil Society Organizations (CSO) sa mga gawain ng pamahalaan. Aniya, kahit may pandemya ay naging magaan ang pagbalikat at pagharap sa mga pagsubok dahil sa suporta ng CMDC at CSO. Ito ay sapagkat ang pagpapainam ng buhay ng mamamayan ay hindi kayang balikatin mag-isa ng pamahalaan lamang. Sa pamamagitan ng pagkakaisa at ng Participative Governance, ang mamamayan ay nagkakaroon ng tinig simula sa paglalatag ng polisiya hanggang sa katuparan nito upang natitiyak ang maayos na implementasyon ng mga programa.

Nanawagan rin ang butihing Punong Lungsod na kung paano ang suporta na ipinagkaloob sa kaniya ng CMDC at mga CSO, sana ay ganoon din ang ibigay nilang suporta sa paparating na administrasyon ni Mayor Elect Christian Natividad dahil aniya, iisa ang pangarap nila, ang itaas ang antas ng pamumuhay ng mamamayan.

Sa mensahe naman ni Vice Mayor Elect Miguel Alberto Bautista, Siya ay nagpaabot ng kaniyang pasasalamat sa pagkakataon na makapaglingkod sa kaniyang mga kababayan sa pamamagitan ng Tanggapan ng Pangalawang Punong Lungsod. Binigyang diin niya ang pagpapatuloy ng mga iba’t ibang gawain lalo na yaong mga proyekto na inumpisahan ni Mayor Gatchalian. Layunin rin niya na makapanghikayat pa ng ibang CSO na sasama sa City of Malolos Development Council.

Aniya, magsusumikap siya na gawing palagiang bukas ang Tanggapan ng Pangalawang Punong Lungsod sa mga usapang nauukol sa pagpaplano at pag-ugit ng mga batas para sa mapayapa at progresibong kinabukasan ng Lungsod.

Sa huli ay namahagi si Mayor Gatchalian ng mga oxygen tank at oxygen regulator sa 51 barangay ng Lungsod na siyang magagamit kung sakaling may emergency na nangangailangan ng oxygen sa barangay.