Matagumpay na naidaos nitong ika-15 ng Abril, 2025 ang closed-door judging ng apat na pelikulang likha ng mga kabataan para sa ikatlong edisyon ng Bahay-Bahayan: Mga Kwento ng mga Batang Ina, isang film competition na bahagi ng Adolescent Health and Development Program ng lungsod ng Malolos.

Sa pangunguna ng City Social Welfare and Development Office sa ilalim ng pamumuno ni Lolita SP. Santos, RSW, at ng Population and Welfare Division na pinamumunuan ni Joemari S. Caluag, Population Program Officer IV, tampok sa edisyong ito ang mga pelikula mga kabataang Maloleño na tumatalakay sa mahahalagang isyung kinahaharap ng mga kabataang ina.

Sa pambungad na pananalita ni Lolita SP. Santos, RSW, kaniyang pinasalamatan ang bumubuo ng MCPWD sa patuloy na pagpapatupad ng programa na makakatulong sa ating lipunan.

Matatandaang bago pa man ang naturang judging, sumailalim sa dalawang Technical Assistance Workshops noong ika-25 ng Pebrero at ika-18 ng Marso, 2025 ang mga finalist. Dito ay binigyan sila ng masusing gabay sa pagpapaganda ng kanilang pelikula mula sa konsepto hanggang sa teknikal na aspeto.

Ayon kay Joemari Caluag, ang mga pelikulang ito ay mahalagang instrumento sa patuloy na pagbaba ng kaso ng maagang pagbubuntis sa lungsod.

“Isa itong bahagi ng ating preventive programs para sa mga kabataan. Sa pagbibigay ng tamang impormasyon, mas nagiging malinaw sa kanila ang kanilang mga pagpipilian, mas nagiging matalino sila sa paggawa ng desisyon,” ani Caluag.

Bawat pelikula ay nakatuon sa iba’t ibang isyu na kadalasang humahantong sa maagang pagbubuntis:

“Menu”ng PCCAMNHS — Peer pressure

“Porn-Bidden”ng MMFSL — Pornograpiya

“Hele” ng MHPNHS — Kakulangan sa kaalaman tungkol sa sekswalidad

“Sangandaan” ng BMIS — Lack of parental Guidance

Ang mga hurado para sa edisyong ito ay sina Regemrei P. Bernardo, Division Head ng City Information Office, Lolita SP. Santos, RSW, Department Head ng City Social Welfare and Division Office, Dr. Frederick Cesar Irineo T. Villano, OIC ng City Health Office, Bryan Paulo S. Santiago, Local Youth Development Officer at si Mary Arlene Bongola, PDO I ng SDO Malolos, Department of Education.

Sinuri ng mga hurado ang mga pelikula batay sa kaakmaan sa paksa, pagkamalikhain ng screenplay, teknikal na kalidad, kabilang din ang maaabot na audience o ang social media reach.

Sa likod ng mga kamera at dayalogo ng bawat eksena, nananatiling buhay ang layunin ng programa: ang pagbibigay liwanag sa landas ng kabataan tungo sa mas ligtas, mas maliwanag na kinabukasan.

Inaasahan na ang online screening ay magaganap ngayong araw hanggang ika-22 ng Abril sa fb page ng MCPWD https://www.facebook.com/share/16SoQYGsC2/?mibextid=wwXIfr upang maipakita ang mga pelikula sa mas malawak na madla.