
Ang Panaog ng Sto. Niño ay isang mahalagang tradisyon sa Barangay Sto. Niño taon-taon kung saan ginanap ito noong Biyernes, ika-17 ng Enero, bilang pagpapakita ng malalim na pananampalataya at debosyon ng mga mamamayan. Mula sa tahanan ni Angel Tantoco ang itinuturing na tahanan ng mahal na Sto. Niño de Malolos, ito ay inihahatid patungo sa kapilya sa isang makulay at makasaysayang prusisyon na dumaraan sa mga pamilyar na kalye ng barangay.
Nagsimula ang selebrasyon sa isang maikling dasal sa tahanan kung saan nananatili ang imahen ng Sto. Niño de Malolos. Kasunod nito, sinisimulan ang prusisyon na pinangunahan ng LDT Folkloric dance troupe na umindak sa saliw ng tugtog ng banda ng musiko mula sa Barangay ng Bagong Bayan na nagbigay din masiglang himig habang naglalakad ang mga taong kasama sa prusisyon.
Dumaan ang prusisyon sa mga pangunahing kalye ng Barangay Sto. Niño tulad ng Calle M. Tengco, Calle F. Estrella, at Calle Alonzo. Dumaan din sa harapan ng lumang City Hall at maging sa Sitio Tampoy. Ang prusisyon ay nagtapos sa Templete de Sto. Niño o ang kapilya ng patron ng Barangay na ito. Ang mga dinaanang kalye ay pawang may makulay na dekorasyon ng banderitas at arko. Habang naglalakad, pinupuno ng dasal, awit, at pagbabasbas ang hangin, na animo’y nagbibigay ng bagong sigla sa buong komunidad.
Pagdating sa kapilya, malugod na tinanggap ang imahen ng Sto. Niño de Malolos ng mga mananampalataya. Isinagawa rin ang isang espesyal na misa bilang pasasalamat sa biyayang natanggap at sa patuloy na paggabay ng Sto. Niño sa bawat pamilya.
Kasamang nakilahok sa prusisyon Ang Sto. Niño de Malolos Foundation, Inc. at Guardias de Honor de Sto. Niño de Malolos.
Sanantala, tumulong sa kaayusan ng prusisyon at trapiko ang KABALIKAT CIVICOM, ang lokal na Pulisya at Traffic Management Office ng Malolos.
Ang Panaog ng Sto. Niño ay higit pa sa isang relihiyosong gawain. Isa itong simbolo ng pagkakaisa ng buong barangay, ang pagpapanatili ng kultura, at ang pagpapalakas ng pananampalataya. Ang taunang pagdiriwang na ito ay nagsisilbing paalala sa bawat isa na ang Sto. Niño ay laging nasa piling nila, nagbibigay ng gabay at proteksyon.
Ang tradisyong ito ay isang mahalagang bahagi ng kasaysayan at kultura ng Barangay Sto. Niño, na patuloy na ipinapasa mula henerasyon sa henerasyon bilang pagpapakita ng walang hanggang debosyon at pagmamahal sa Mahal na Sto. Niño.