Sa masining na pagpapahayag ng diwa ng kalayaan, siyam na paaralan sa Lungsod ng Malolos ang nagpakitang-gilas sa Sabayang Pagbigkas, isa sa mga tampok na patimpalak ng Iskulimpiks 2025.

Ang mga kalahok na paaralan ay binubuo ng 20 mag-aaral, kabilang ang Marcelo H. Del Pilar National High School (SHS), Pamarawan High School, City of Malolos High School – Santisima Trinidad, City of Malolos Integrated School – Atlag, Malolos Marine Fishery School and Laboratory, Cong. Teodolo C. Natividad High School, Marcelo H. Del Pilar National High School (JHS), City of Malolos Integrated School – Sto. Rosario, at Marcelo H. Del Pilar National High School (Open High School).

Iisang piyesa lamang ang ginamit sa kompetisyon kung saan ito ay pinamagatang “Kalayaan” na isinulat ni Pat Villafuerte. Sa pamamagitan ng kanilang masining na tinig at galaw, matagumpay na naihatid ng mga mag-aaral ang mensahe ng kalayaan na siyang diwa ng patimpalak.

Ang Sabayang Pagbigkas ay hindi lamang isang paligsahan kundi isang patunay ng patuloy na paglinang ng sining at kultura sa mga kabataan ng Malolos. Isa rin itong makabuluhang paraan upang sariwain at ipagdiwang ang diwa ng kalayaan sa pamamagitan ng panitikan at sining ng pagsasalita.

Masusing sinuri ng mga huradong sina Joji Myko D. Bautista, Secretary Office of Culture and Arts, Advertiser/ Trainer BulSU Live Band, Luis Mariae C. Agtarap, Head/Director ng Office of Culture and Arts at si Lloyd Coronel, Choreographer at Tagasanay ng BulSU Hyper Dynamics, ang bawat pagtatanghal upang matukoy ang pinakamahusay sa patimpalak.