Bilang maagang paggunita sa Semana Santa, isinagawa ang Station of the Cross sa Malolos City Hall. Ang paggunita ay pinangunahan ni Assistant City Administrator Gertudes N. De Castro kasama ang ilang kinatawan ng iba’t ibang departamento sa Pamahalaang Lungsod ng Malolos.

Ang Istasyon ng Krus na kilala rin sa tawag na Via Dolorosa, ay isang salaysay tungkol sa mga huling oras ng buhay ni Hesu Kristo sa lupa na patuloy na nagbibigay ng espiritwal na kalakasan sa bawat Kristiyano at ng paglalapat ng mga aral nito sa ating mga buhay. Ang Istasyon ng Krus ay nagsisilbing malalim na paalala ng mapagpakumbabang kaparaanan kung paanong kusang loob na iwinaksi ng Panginoong Hesus ang lahat ng pribilehiyo bilang Diyos upang magkaloob ng kaligtasan sa pamamagitan ng paghahandog ng Kanyang buhay sa Krus.

Ang 14 na istasyon ay naglalarawan ng mahalagang pangyayari sa paghihirap at kamatayan ni Hesus, mula sa paghatol kay Hesus ng kamatayan, hanggang sa siya ay malibing.

Bukod dito ay inaasahan ang iba pang mga gawain sa lungsod na may kaugnayan sa Semana Santa, kabilang ang gagawing Pabasa sa ika- 11 ng Abril, 2025 at Malolos Theater festival (April 11- 17).