
Muling sinariwa ang buhay, pagdurusa, at muling pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo sa isang makabuluhang pagtatanghal ng Senakulo na pinamagatang “Hesus: Daan, Katotohanan at Buhay.” Ang dula ay inihandog ng Dularawan Bulacan Foundation Inc., isang samahan na kilala sa mga de-kalidad at makabuluhang pagtatanghal na naglalayong palalimin ang pananampalataya at pagpapahalaga sa tradisyong Kristiyano ng mga Pilipino.
Ang Senakulo ay idinirehe ni Carlo B. Viron, Isa sa matagal na ding miyembro ng nasabing grupo, labing dalawang taong gulang pa lamang daw sya ay nag tatanghal na sya sa mga senakulong katulad nito, kaya sya ay lubos na nagagalak at nabigyan syang muli ng pagkakataong maiderehe ang palabas na ito. Sa kanyang direksyon, asahan ang isang masining, makatotohanan, at emosyonal na paglalakbay sa mga mahahalagang yugto ng buhay ni Hesus—mula sa Kanyang pagtuturo, pagpapakasakit, pagkamatay, hanggang sa Kanyang matagumpay na muling pagkabuhay.
Ito Ang ika-51 Isang taon Ng pagtatanghal Ng Dularawan Bulacan Foundation,Inc. Ang Dularawan ay binubuo hindi lang Ng mga taga Malolos, kundi ng mga artistang mula sa iba’t ibang bayan Ng Bulacan. Hindi kagaya ng ibang mga nagtatanghal ng senakulo, ang palabas na ito ng Dularawan Bulacan ay may moderno atake sa isang pagtatanghal na mayroong nang nakagisnang tradisyunal na pamamaraan. Ang mga gamit sa entablado, costume at iba pang kagamitan ay bigay o ipinahiram ng mga suppliers bilang panata sa panahon Ng kwaresma.
Ang “Hesus: Daan, Katotohanan at Buhay” ay hindi lamang isang palabas, kundi isang paanyaya sa bawat manonood na magnilay at muling pagtuunan ng pansin ang diwa ng Mahal na Araw. Hinihikayat ang publiko na makiisa, manood, at damhin ang mensahe ng pag-ibig, sakripisyo, at pag-asa na hatid ng pagtatanghal na ito.
Inaanyayahan ang lahat na patuloy na saksihan ang iba pang mga pagtatanghal hanggang sa Huwebes. Magsama-sama tayong muling buhayin ang diwa ng pananampalataya sa pamamagitan ng sining at dula.