
Bilang bahagi ng ikatlong Malolos Theatre Festival , tinanghal sa Liwasang Republika ang dulang “Kristo ang Hinirang” na buong husay na ginanapan ng mga kasapi ng Canalate Community Theatre Guild. Ang naturang dula na tumalakay sa mga importante at mahahalagang kaganapan sa buhay ni Hesukristo ay nagnanais na maipagdiwang ang kwaresma hindi lamang dahil ito ay tradisyon kundi bilang isang panahon ng pananampalataya, pagninilay, at pagbabalik-loob sa Diyos sa pamamagitan ng mataimtim na panalangin.
Sa panayam kay Arvin Cruz, direktor ng nasabing dula, ang pagsasadula na ito ay isang makabuluhang paraan upang gunitain ang dakilang pag-ibig ni Kristo. Sa pamamagitan nito ay naipapahayag din aniya ang di matatawarang sakripisyo at paghihirap ni Hesukristo para sa ating kaligtasan.