
Sa nalalapit na paggunita ng Semana Santa, muling ipinamalas ng Samahang Senakulista ng Malanggam ang kanilang husay sa sining ng pagtatanghal sa pamamagitan ng dulang “Ang Cordero”, isang makabuluhang pagsasadula na inilunsad nitong ika-13 ng Abril sa Ikatlong Malolos Theatre Festival.
Ang dula ay patungkol sa isang malikhaing paglalarawan ng buhay, paghihirap, at sakripisyo ni Hesukristo—ang Kordero ng Diyos—na itinampok sa makasining na paraan upang hikayatin ang pagninilay sa gitna ng makabagong panahon.
Sa direksyon ni Willie Velasco, nagtipon-tipon muli ang mga kasapi ng samahan upang bigyang-buhay ang mga mahahalagang tagpo sa mga huling araw ni Hesus gamit ang lokal na wika, tradisyon, at talento. Ito rin ang ika anim na pung taong pagtatanghal ng grupo na sinimulan ng mga magsasaka na nakatira sa Malanggam, Bulihan, Lungsod ng Malolos.
Ayon kay Direktor Velasco, layunin ng grupo na ipaabot ang diwa ng pananampalataya, sakripisyo, at pag-ibig ng Diyos, hindi lang sa kalsada o entablado.
“Malaking bagay talaga ‘tong pagsasadula para sa katulad nating Katoliko at sa mga kabataan, dahil may naniniwalang mayroong Diyos na lumikha, hindi lamang sa pagsasadula, hindi lamang sa pag arte sa kalsada at entablado, ang isang layunin ng grupong ito ay para magkaroon tayo ng paniniwala na mayroon talagang lumikha.” aniya.
Sa gitna ng mabilis na pag-ikot ng mundo, nananatiling matatag ang mga tulad ng Samahang Senakulista ng Malanggam sa pagpapanatili ng mga tradisyong maka-Diyos—isang patunay na ang sining ay hindi lamang libangan, kundi isang daan tungo sa mas malalim na pagkaunawa sa ating pananampalataya.