
Ipinagdiwang nitong ika -16 ng Abril sa Liwasang Republika ang ika- 100 taong pagtatanghal ng isa sa pinakatanyag at pinakamatandang grupo ng senakulista sa buong lungsod. Ang Samahang Senakulista ng Caingin na naitatag noong taong 1925 ay binubuo ng mga deboto at alagad ng sining na ang layunin ay mailahad sa pamamagitan ng pagtatanghal ang buhay, pagdurusa at pagkamatay ni Hesukristo.
Ang dulang pinamagatang Senakulo Sentenaryo na mahusay ni dinireha ni Michael Anthony Giron ay may 3 yugto, ang bawat yugto ay nagpapakita ng ibang istilo o bersyon ng pagsasadula ng isang senakulo. Ang una ay ang pagkanta ng mga linya na may nagdidikta, pangalawa ay ang pagbigkas ng mga linya na may kasabay na recorded audio at pangatlo ang pagbigkas ng mga linya ng live.

Ayon kay Assistant Director Arianne Allein Capule kakaiba ang dulang ito sapagkat ang dula ay sinimulan mula sa istorya ni Eba’t Adan hanggang sa pagkabuhay ni Hesukristo. Dagdag pa niya, ang tagumpay ng dulang ito ay isang ehemplo ng dedikasyon at sakripisyo ng kanyang mga kasama na maipagpatuloy ang isang tradisyon na nagmula pa sa kanilang mga ninuno. Ito din aniya ay isang pagpupugay sa pananampalataya, kultura at kasaysayan ng mga naging bahagi nito at ang mga kasalukuyang kasapi nito.

Buong puso naman ang pasasalamat ng mga miyembro nito sa kanilang mga manunuod na walang sawang sumusubaybay sa lahat ng kanilang pagtatanghal at nangakong patuloy silang maglilingkod hindi lamang sa kanilang komunidad kung hindi sa buong Lungsod ng Malolos sa pamamagitan ng pagsasadula ng buhay ni Hesukristo sa panahon ng kuwaresma.