
Muling sumiklab ang diwa ng sining, kultura, at kasaysayan sa Brgy. Look 1st sa ikalawang taon ng Siklaban, na ginanap noong ika-20 ng Abril 2025. Higit pa sa isang selebrasyon, ang Siklaban ay isang mother program na binubuo ng iba’t ibang sub-programs na naglalayong isulong ang pagpapahalaga sa sining at kulturang Pilipino, lalo na sa mga kabataan.
Tampok sa programa ang Ms. Gay Pageant, Reynanay para sa Ilaw ng Tahanan, at ang inaabangang Indakan: Parade of Philippine Festivals, na may temang: “Kultura at Tradisyong Lookeño, Salamin ng Matatag at Maunlad na Yugto.” Layunin nitong ipakita ang mayamang kultura ng barangay, at kilalanin ang kahalagahan ng tradisyon sa paghubog ng pagkakakilanlan ng komunidad.
Naging highlight ng SIKLABAN ang Indakan sa Baryo, isang masiglang street dance competition na nilahukan ng pitong grupo mula sa iba’t ibang lugar sa barangay: Purok Uno, Purok Dos, Purok Cinco, Purok Kwatro, Mother Rita Homes, Feliciano St., at Paraan St. Matapos ang parada sa umaga, naganap ang final showdown sa hapon kung saan pinili ng mga hurado ang mga pinakamahusay sa sayawan.
Ang mga hurado sa patimpalak ay sina Mr. Bryan Paulo Santiago, Hon. Kenneth Reyes, Mr. Luis Mariae Agtarap, Mr. Alvin Paulino, Mr. Rowell Castro, at Mr. Aron Gatchalian, na nagbigay rin ng mahahalagang komento at paalala sa mga kalahok bilang suporta sa kanilang talento at dedikasyon.
Narito ang mga nagwagi sa makulay na paligsahan:
Best in Props and Costume (₱3,000) – Mother Rita Homes
Best in Delegation (₱3,000) – Purok 2
Best in Street Parade (₱4,000) – Purok 2
1st Place (₱14,000) – Purok Dos
2nd Place (₱10,000) – Mother Rita Homes
3rd Place (₱6,000) – Purok Cinco
4th Place (₱5,000) – Feliciano Street
Sa pagtatapos ng programa, nag-iwan ng makabuluhang mensahe si Kapitan Colbert Oczon: “Sabi nga po natin, darating din po ang panahon na magiging kuwento na lamang tayo. Kaya’t hangga’t maaari, gandahan mo ang kuwento mo—mag-iwan ka ng ngiti bago magsarado ang libro mo.”
Samantala, binigyang-diin naman ni SK Chairperson Vince Caparas ang kahalagahan ng kultura at pagkakakilanlan sa kanyang pahayag: “Culture resonates the identity of everyone. Kapag walang kultura, walang pagkakakilanlan.”
Sa bawat sayaw, awit, at tula, muling nabuhay ang diwa ng Brgy. Look 1st—isang komunidad na may matibay na ugat sa kasaysayan at patuloy na lumalago. Ang SIKLABAN ay hindi lamang pagdiriwang, kundi isang paalala na ang kultura at sining ay dapat patuloy na isabuhay, ipagmalaki, at ipamana sa susunod na henerasyon