Sa pangunguna ni Kapitan Ceferino Aniag at sa pamamagitan ng barangay resolution 41-2022, binigyang pagkilala at pasasalamat ng Brgy Panasahan si Punong Lungsod Abgdo Christian D. Natividad sa kaniyang patuloy na pagbibigay ng tulong at malasakit sa kanilang barangay.
Ayon kay Kap. Rino, ang pag-aaspalto ng kalsada, renobasyon ng barangay hall at isang Garbage truck ang ilan sa mga ipinagpapasalamat ng Brgy.Panasahan kay Mayor Agila. Malaki aniya ang tulong ng mga ito sa adhikain niyang patuloy na paunlarin ang kanyang barangay na sa ngayon ay ramdam pa din ang naging epekto ng pandemya. Bukod sa resolusyon ng pasasalamat ay ipinagkaloob din sa kaniya ang isang iskultura ng bangus bilang simbolo ng pangunahing ikinabubuhay sa kanilang lugar.
Malugod naman ang naging pagtanggap ni Mayor Agila sa naturang parangal. Ayon sa kaniyang mensahe, patuloy ang magiging pagtulong niya sa Brgy. Panasahan. Bilang patunay, kasama sa mga gagawin sa mga susunod na taon ang paglalagay ng isang kalsadang magdudugtong sa Panasahan, Paombong, Hagonoy at Tikay. Magtatayo din aniya ng imprastraktura at Floodgates mula Mambog hanggang Longos na makatutulong sa pagkontrol sa baha.
Binanggit din ni Mayor Agila sa kanyang mensahe na simula Enero ang lahat ng barangay tanod ng bawat barangay ay makakatanggap na ng honorarium mula sa Pamahalaang Lungsod ng Malolos.
Buong pagmamalaki din niyang ibinalita, na ang lungsod ng Malolos ang isa sa pinakauna sa Pilipinas na nakapagsulong at makakapagpatupad ng isang ordinansa, katuwang ang Sangguniang Panglungsod sa pangunguna ni Pangalawang Punong Lungsod Migs Bautista na magmamandato sa lahat ng pribadong kompanya sa Lungsod ng Malolos na maglaan ng 5% sa bawat Senior Citizens, PWD at Solo Parent mula sa kabuoang bilang ng kanilang mga empleyado. Ito ay patunay sa kaniyang adhikain na magkaroon ng pantay na oportunidad para sa lahat.
Naging bahagi rin ng programa ang pagbibigay parangal sa kanilang lugar na napabilang sa mga Drug Free barangays ng ating Lungsod.
Sa pagtatapos ay pinagkalooban din ng mga bagong uniporme ang lahat ng mga barangay tanod ng kanilang barangay.