Ngayong umaga ng ika-3 ng Abril 2023 sa Regional Evacuation Center ng Malolos Bulacan, sinimulan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) at ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang tatlong araw na training para sa Crash Vehicle Extrication and Rescue Training (CVERT). Mga tauhan at kasapi ng mga organisasyon tulad ng CDRRMO, MMDA, pati na rin ng Bureau of Fire Protection (BFP), ang mga dumalo at nakilahok sa nasabing programa.

Ang CVERT ay isang training na isinagawa ng may layunin na bigyan ang mga local responders ng kaalaman kung paano sila tutugon sa mga insidente katulad ng crash vehicle.

Ang naging adyenda sa unang araw ng programa ay ang pagbibigay ng panayam o lektura ni Richard Villaceran—parte ng MMDA at head instructor ng CVER, tungkol sa mga kagamitan at proteksyon na kailangan, at sa mga hakbang ng extrication of injury o ang pagtanggal ng mga indibidwal na nakulong sa sasakyan.

Sa mga susunod na araw, ipinaliwanag na ang mga nakatakdang gawin sa training ay ipakita ng mga kalahok ang mga practical exercises na kanilang gagawin kung magkakaroon man ng mga insidente na maaring makasagupa ng mga responders tulad ng malawakang banggaan ng mga sasakyan. Aakto rin sila bilang isang grupo habang isinasagawa ang mga hakbang na gagawin sa mga insidente base sa sitwasyon.

Ang CVERT ay nakatakdang ganapin simula ika-3 hanggang ika-5 ng Abril. Inaasahan sa pagtatapos ng training na ang mga dumalo at nakilahok sa programa ay lalabas na may mas malawak na kaalaman tungkol sa crash vehicle extrication and rescue.